Kilala ang Mahal na Birhen ng Aranzazu, bilang Patrona laban sa mga kalamidad.
KASAYSAYAN NG APARISYON
Sa Hilaga ng Espanya, lalawigan ng Guipuzkoa nagsimula ang kasaysayan ng Mahal na Birhen ng Aranzazu. Inihula ni San Vicente Ferrer na magkakaroon ng tag-tuyot sa rehiyong Basko (Basque) ng Espanya at nagsimula ito taong 1467 at nagtapos noong taong 1469 dahil sa isang himala, ang pagpapakita ng Mahal na Birhen ng Aranzazu.
Isang hapon ng Hunyo 11, 1469 araw ng Sabado, nagpakita kay Rodrigo de Baltezegui, isang batang pastol ng mga kambing na taga Uribarri, na isang pamayanan sa Oñate, ang Mahal na Bihen ng Aranzazu. Pababa na ng bundok ng Alonya si Rodrigo pagkatapos ng pamamastol nang makarinig siya ng tunog ng kampana. Sa paglinga-linga niya ay napansin niya ang isang magandang pangitain, balot ng liwanag at nakatung-tong sa isang matinik na halaman ng hawthorn. Lumapit siya at nakita niya ang imahen ng Birheng Maria kalong sa kaliwang braso ang batang si Hesus at sa kanang kamay naman ay tangan niya ang isang bagay na hugis bilog.
Namangha si Rodrigo sa nakita at nasambit “Arantsazu?” (wikang Euskera sa parteng basko ng Espanya, katumbas ay “Tu en el espino?” sa wikang Kastila) na kung isasalin sa wikang Tagalog, ang ibig sabihin ay “nasa tinikan kayo?”. Nagdasal siya ng Aba Ginoong Maria at mga dasal na alam niya buong paggalang niyang tinakpan ang mga tuyong dahonang imahen ng Mahal na Birhen at dali-daling tumakbo pauwi upang ibalita ang kanyang nakita.
Bumalik si Rodrigo kasama ang kanyang mga magulang kinabukasan. Pagdaan nila sa pamayanan ng Oñate ay may nasalubong silang prusisyon ng mga taga roon na nananalangin na umulan at matapos na ang tag-tuyot. Tila may nagudyok kay Rodrigo upang pumagitna na mga tao.
Niyaya nya ang mga tao na sumama sa kanya sa tinikan upang makita nila ang imahen ng Mahal na Birhen. Walang pumansin kay Rodrigo. Inakala ng mga tao na wala sa tamang pag-iisip ang batang pastol. Niyaya nya ang mga malalakas at malalaking lalaki na sumama sa kanya at hinamon nya na kapag nagsisinungaling siya ay ihagis siya sa matirik na bangin. Sumama ang isang lupon ng kalalakihan kay Rodrigo at sila’y umakyat ng bundok. Pagkarating ay nakita nila ang imahen ng Mahal na Birhen at pinaniwalaan ang sinabi ni Rodrigo. Kinuha nila ang imahen ng Mahal na Birhen at pagbalik sa pamayanan ay biglang bumuhos ang malakas na ulan.
Kumalat ang debosyon sa Mahal na Birhen ng Aranzazu, sa buong Espanya at sa mga pook na nasasakupan nito. Maraming naganap na himala.
BIRHEN NG ARANZAZU SA PILIPINAS
Circa 1660 at 1704 – Ang Birhen ng Aranzazu ay dinala ng mga paring Heswita sa bayan ng San Mateo, na noo’y bahagi pa ng Maynila na ngayo’y bahagi na ng lalawigan ng Rizal.
1716 – Itinalagang pangunahing patron ng bayang San Mateo ang Mahal na Birhen ng Aranzazu. Samantalang si San Mateo, na dating pangunahing patron ay ginawang sekondaryang patron ng Bayan na iniluklok sa kapilya ng Brgy. Dulong Bayan.
WWII – Nasunog ang simbahan at ang orihinal na imahen ng Birhen ng Aranzazu; ngunit nanatili pa ring matatag ang pamimintuho sa Birhen ng Aranzazu, hindi ito nabago sa kabila ng lindol, bagyo at digmaan.
1959 – nagpadala ang Basilika ng Birhen ng Aranzazu sa Oñate, España ng imahen ng Birhen ng Aranzazu.
1990 – si +Fr.Marcel Prudente ay nagpagawa ng malaking rebulto ng Birhen ng Aranzazu na yari sa semento na nagsilbing “landmark” ng bayang San Mateo.
July 17, 2004 – CANONICAL ERECTION: Ang Nuestra Señora de Aranzazu Parish ay naging Diocesan Shrine and Parish of Nuestra Señora de Aranzazu, ang tanging simbahan sa buong Asya na nakapangalan sa Birhen ng Aranzazu.
Nobyembre 9, 2015 – Kasagsagan ng bagyong Yolanda, iginawad ng Obispo sa Birhen ng Aranzazu ang EPISCOPAL CORONATION, ang pagkilala ng buong Diyosesis ng Antipolo (Rizal-Marikina) sa debosyon ng mga taga San Mateo sa Birhen ng Aranzazu.
Setyembre 9, 2016 – Kapistahan ng Birhen ng Aranzazu, ay ang pagbubukas din ng ika-3 Sentenaryo ng Pagluluklok sa Birhen ng Aranzazu bilang Patrona at Pintakasi ng Bayang San Mateo
May 31, 2017 – Gaganapin ang CANONICAL CORONATION, ang pinakamataas na pagkilala ng Santo Papa at ng buong Simbahang Katolika sa debosyon ng mga taga San Mateo sa mahal na Birhen ng Aranzazu
Ang Birhen ng Aranzazu ay magiging ika-36 na CORONADA sa buong Pilipinas at ang ika-3 sa Diyoses ng Antipolo: Our Lady of Peace and Good Voyage, Antipolo City (1926) at Our Lady of the Abandoned, Marikina City (2005) – (Christian Cristi)