“Strangers…are just family you have yet to come to know” – Mitch Albom, The Five People You Meet in Heaven.” Naniniwala ka ba sa kasabihang ito? Kung oo, tara na’t ating saksihan ang kwento ng isang lalaki at mamangha sa kapangyarihan ng Diyos sa bawat isa sa atin, lalo’t ngayong papalapit ang kapaskuhan.

Ako nga pala si William, isang freelance photographer. Anim na taon na rin ako sa larangang ito nang magsimula ito bilang isang hilig at libangan mula nang ako’y nasa 3rd year college. Sa loob ng anim na taon ay napakarami ko nang naging karanasan at oportunidad. Kinukuha ako sa kasal, birthdays, binyag, debut at iba pang okasyon para maging photographer ng mga event na nabanggit. Ngunit kaninang tanghali lang ay nakatanggap ako ng tawag, tawag na mula sa admin ng simbahan. Gusto nila akong maging isa sa photographers sa huling araw ng Simbang Gabi sa kanilang parokya. Hindi naman na ako nagdalawang isip pa at agad na pumayag. First time ito, dahil ngayon lang ako naimbitahan na magbigay ng serbisyo sa simbahan. Oo, itinuturing kong serbisyo ang ginagawa kong ito. Hindi talaga ako nagpapabayad sa mga kumukuha sa akin puwera nalang kung magpupumilit silang abutan ako kahit magkano. Pagkain lang okay na ako. Haha.

Nang sumapit ang araw ng aking misyon sa simbahan ay nae-excite ako sa ‘di ko maipaliwanag na dahilan. Di naman ako nakakaramdam ng ganon sa tuwing may ganap ako, pero ewan ko ba kung bakit kakaiba ata ngayon. Siguro nga kasi dahil first time kaya normal lang ito, sa isip isip ko. Dumating ako sa simbahan sampung minuto bago magsimula ang misa. Inobserbahan ko ang paligid, pinag aralan ko ng mabilisan kung saan ako pwedeng dumaan-daan at lumusot mamaya nang hindi gaanong ma-distract ang mga tao. Siyempre misa ‘yon at hindi lang basta isang event, kaya kailangan kong gumalaw ng tama. Maraming tao dahil huling araw na ng sakripisyo. Tumunog na ang kampana, hudyat ng simula ng misa. Inihanda ko na ang aking sarili upang umpisahan ang aking misyon.

Tuloy lang ako sa pagpitik habang dumadaloy ang misa. Pitik dito, pitik doon. Ngunit may isang pumukaw ng aking atensyon. Isang batang lalaki na nasa choir, siguro’y nasa walo hanggang sampu ang edad. May katabaan ang bata kaya naman natuwa ako dito. Ang cute niya kasi. Ngunit ang dahilan talaga ng pagkapukaw ng atensyon ko ay ang malakas at maganda niyang boses na nangingibabaw sa kanyang mga kasamahan. Nasa kabilang dulo ko ang pwesto nila. Mula sa kinatatayuan ko ay kukuhanan ko na siya ng litrato nang bigla siyang mapatingin sa camera sabay mabilisang ngumiti. Napangiti rin ako. “Cute talaga ng batang ‘to,” sabi ko sa isip ko.

Nang matapos na ang misa ay nag-bless ako kay Father. Biglang may kumalabit sa tagiliran ko at napatingin ako, ang cute na batang lalaki sa choir. Lumuhod ako para makausap siya ng face to face. “Ang cute cute mo talaga!” sabi ko sabay pisil sa dalawa niyang pisngi. “Matagal ka na bang kumakanta sa choir?” tanong ko. “Opo kuya.” sagot niya. Tinanong ko ang pangalan niya. “Stephen po.” sabay takbo sa malaking belen di kalayuan sa pwesto ko. Sinenyasan niya akong sundan siya kaya sumunod naman ako. Tumayo ako mula sa pagkakaluhod at pinuntahan siya. “Kuya picturan mo naman ako dito. Okay lang po ba?” nakangiti niyang tanong. “Yun lang ba? Oo naman.” sagot ko. Natutuwa siyang napapalakpak. Ngiting-ngiti si Stephen nang kuhanan ko siya. Maya-maya’y tinawag siya ng isang may edad na babae sa gilid. “Tara na anak uwi na tayo.” sabi ng babae. Agad na lumapit si Stephen sa di maikakailang nanay niya, sabay turo sa akin. “Ma si kuya oh pinicturan ako.” sabi niya sa nanay niya. Nginitian ako ng nanay at saka tumango. Ngumiti rin ako ngunit di ko inaasahang kakausapin ako ng nanay. “Photographer ka rin? Taga saan ka?,” tanong niya. “Ay opo. Malapit lang po ako dito isang jeep lang po.” sabi ko. “ Ah ganun ba? Malamang napagod ka kakakuha ng litrato. Kanina pa kita nakikitang nakatayo at paikot-ikot. Tara sa bahay at doon ka na maghapunan.” yaya ng nanay. Nagulat ako. Una’y dahil hindi naman kami magkakilala, pangalawa’y nasa isip ko kung bakit parang ang bilis naman. Nakaramdam ako ng paggaan ng loob sa mag-ina, kaya naman kahit medyo nahihiya pa ay pumayag na ako. Sabay-sabay kaming lumabas ng simbahan at saka naglakad. “Malapit lang ang bahay namin dito. Liliko ka lang diyan sa pangatlong ekinita nandun na ang bahay namin.” sabi ng nanay habang nginunguso ang sinasabing direksyon sa kalsada. “Malapit lang po pala.” sabi ko naman.

Nang makarating kami sa bahay nila’y pinaupo ako ng nanay sa sofa. Tinabihan ako ni Stephen at tinanong kung pwedeng mahiram ang camera ko para tingnan ang pictures. Pumayag naman ako at iniabot yon sa kanya. Maliit lang ang bahay ng mag-ina at mukhang wala na silang ibang kasama. Ngunit hindi mababakas dito ang kalungkutan dahil namumutiktik ito sa dekorasyon. Meron silang katamtamang laki ng Christmas tree na patung-patong ang nakakabit na dekorasyon, may christmas lights, parol at iba pang palamuti sa bawat sulok ng bahay. “Paskong-pasko na talaga dito sa inyo noh.” sabi ko kay Stephen. Tumango lang siya habang busy pa rin sa pagtingin ng mga litrato sa aking camera. Nang masandal ako sa sofa ay bigla akong napaisip, “Ang saya siguro kung may kasama rin akong pamilya tuwing pasko.” Nasambit ko sa isip. Napabuntong hininga ako. Bata pa lang ako ay hiwalay na ang aking mga magulang. Namatay na si papa noong sampung taong gulang pa lang ako dahil sa atake sa puso, at si mama nama’y may ibang pamilya na sa Amerika. Kasama ko naman si mama hanggang sa bago ako makagraduate ng college, ngunit bumukod na ako sa kanya at sa pamilya niya mula nang magkatrabaho na ako. Bihira ko lang madalaw si mama sa Amerika dahil sa trabaho ko dito at sa dami ng pinagkakaabalahan. Malayo rin ang mga kamag-anak naming nasa probinsya pa. Kaya naman ako lang mag-isa ang nagse-celebrate ng pasko dito sa Maynila, pwera nalang pag nayayaya ng mga kaibigan sa kung saan. Naputol ang aking pagninilay-nilay nang tawagin na kami ni Stephen ng mama niya sa mesa para kumain. Ibinalik niya na sakin ang camera at pumunta na kami sa hapag.

Habang kumakain ay nakakuwentuhan ko ang mag-ina, at naikwento ko rin sa kanila ang pinagninilayan ko habang nakaupo sa sofa. “Wag kang mag alala iho, welcome ka na dito sa amin magmula ngayon. Kung may panahon ka’y maaari mo kaming samahan bukas para sa Noche Buena, nang sa ganon ay may pamilya ka namang maituturing na makakasama.” sabi sa akin ng nanay. Ang sarap sa pakiramdam marinig ang sinabi niya, kaya naman agad akong um-oo at tumuloy na kami sa pagkain. Pagkatapos ay agad na akong nagpaalam dahil gabi na at magpapahinga na sila. May mga project pa rin akong tatapusin pag-uwi ng bahay. “Bukas kuya ah? Hihintayin kita.” sabi sakin ni Stephen. “Opo. At hintayin mo rin ang gift ko sayo.” Sabi ko sa kanya. Bakas ang excitement sa mukha ng bata. Nagpasalamat ako sa mag-ina sabay umalis na.

Hindi ko inasahan ang mga naganap nung gabing iyon. Ang akala kong simpleng serbisyo lang sa simbahan ay siya rin palang magiging daan upang dinggin ng Diyos ang aking kahilingan- ang magkaroon ng pamilya ngayong darating na kapaskuhan. Sandali ko palang nakikilala ang mag-ina ngunit hindi nila ako tinuring na ibang tao, kundi isang pamilya na kabilang sa kanila. Iyon na siguro ang isa sa pinakamasayang pasko ko, at nagpapasalamat ako sa ginawang instrumento ng Diyos para sa kasiyahan kong yon- ang simbahan.

 

 

 Maria Angela Patrice M. Mabutol

Maria Angela Patrice M. Mabutol

Writer, Content Management Team - Media Ministry

Maria Angela Patrice M. Mabutol was a former senior high school student at Eastern Star Academy and took HUMSS Strand under Academic Track. She was a former member and writer of Aranzes Journal at NSDAPS. Aside from being passionate in writing, she is also into photography and music. Angela is a firm believer that life is just a matter of perspective that if you change your view, the rest will follow. Being a part of Media and Public Information Ministry is a dream come true for her, as it allows her to express her faith not just from being an active parish worker, but through her talent and skills which she thinks people deserve to be shared with.

Social Media Comments