Mga 340 taon lamang ang nakaraan nang sinimulang itayo ng mga angkan ni Shem ang Tore. Napagsabihan ni Yahweh ang mga konstruktor ng Toreng ito ng ganito: “Alam ninyong lahat ang trahedya ng delubyo (1764 B.C.E). Sa ganong kaikling panahon, paano kayong nakalimot?”.  Pagkat ang mga tao noon ay nabuhay nang kung ilang daang taon bago mamatay, ang 340 taon ay maiksing panahon para sa kanila, ngunit, sa kabila nito, ay nakuha pa nilang limutin ang Delubyo. O nakalimutan ba talaga nila? ‘Di kaya ito’y laging laman ng kanilang isipan kung kaya’t sila’y nagkumahog at nagkaisang itayo ang nasabing Tore? Natural lamang na, kung nasa isipan nila ang delubyo, sila’y gagawa ng paraan upang, kung ito’y maulit, ay maari na silang may paglalagyan na di aabutin ng tubig-baha, kahit 80 araw pa siguro ang itagal ng ulan! Na siyang kapalaluan naman na ikinapoot ng Diyos kung kaya’t ito’y di niya hinayaang maitayo, bagkos ay ginawa niyang magkaiba-iba ang mga dialekto ng mga anluwage at mason upang ‘di magkaintindihan. Sa kahit bahagyang pagsusuri man lamang ay makikita natin na alam na alam ng mga konstruktor ng Tore ng dahil sa kanilang pagbabalik sa pagka-makasalanang pamumuhay – na di sana’y kinadalaan na nila pagkatapos ng delubyo – at alam na alam na nila na maari silang datnan ng isa pang delubyo, na higit na malupit pa kaysa sa una, at ito na nga ang kanilang sagot doon kung sakasakali; ang isang mataas-taas na Tore at sa tuktok nito ay buong yabang nilang tatawanan lamang ang ano mang delubyo na ihahatol sa kanila.

          Mabalik tayo sa panahon ni Adan. Imbis na magpasalamat si Adan sa Diyos dahil siya’y binigyan ng asawang babae (matapos kainin ang bunga ng puno ng Kaalaman), aba’t nagreklamo pa din si Adan at kapal mukhang isinumbat pa sa Diyos na, “Ang babaeng ibinigay mo sa akin – siya ang nagbigay sa akin ng bunga ng puno at ako’y kumagat.” (Gen. 3:12) Bagamat totoo na naidawit siya ni Eba sa kasalanan, ‘di ito sapat na palusot o dahilan pagkat si Adan naman ay mayroong “free-will” o kakayahang pumili kung pagogoyo siya kay Eba o hindi. Ngayon, yung salinlahing sumunod sa delubyo ay nagpamalas din ng katiting na gratitud o pagtanaw ng utang na loob ng tulad ni Adan. Sa halip na pasalamatan si Yahweh dahil pinayagan ng Diyos ang mga ninuno nila (sina Noe at iba pa) na maibsan ang baha, ay nagsimula pa ang mga ito na magrebelde sa Diyos. Ito nga yung aksyong pagrerebelde – ang pagkukumahog na magawa ang Tore.

          Itong mga taong ito ay parang may mga sayad, o kahinaan ng pag-iisip. Pagkat ang mga may sayad at nagiging pasaway ay, kung isasa ilalim sa isang uri ng pananakit ay kakalma at dina mananatili sa tinatawag na manic-aggresive na estado. Kaya lang, ang sumpong ng mga ito ay babalik kapag “nalimutan” na niya yung dantay at hapdi ng unang pasakit (delubyo). Katulad na katulad din ito ng inasal ng salinlahing gumawa ng Tore ng Babel kahit na 340 na taon lang ang nakaraan buhat ng umiral ang delubyo, tila nalimutan na nila ito at sila’y nanumbalik sa kanilang masamang gawi.

          Bagamat sila’y nangagkasalanang muli kahit na kakatapos pa lamang humupa ng Delubyo, ang kabutihan at merito ni Shem ang wari ba’y nagprotekta sa kanilang lahat at sila’y pinagbigyan pa ng Diyos. Ang numerical value ni Shem ay 340. Dahil nga sa ang mga tao noon ay inaabot ng daan-daang taon bago sumakabilang buhay, ay ang 340 taon ay ‘di gaanong kahabaan kung tutuusin. Ngayon kung tayo’y magbalik gunita sa nakaraang 40 taon ay para bang kahapon lamang ang mga pangyayaring naganap (halimbawa MARTIAL LAW 21 Sept. 1972) noon.

          Ang ginawa nitong mga Tore-peng ito ay nakabase sa isang mali – at sila’y na-obssess sa ideyang ang delubyo ay isa lamang CYCLIC PHENOMENON, na magdudulot si Yahweh ng delubyo kada 1656 taon. Napagisipan nilang magtayo ng isang napakataas at matayog na Tore na hindi basta kakayaning itumba ng anumang daluyong at ito’y sagkang sa anumang napipintong baha. Para bang sinabi nila: BAHA-LA NA.  Kampante ang mga ugok. Eh kung ang pinadala ni Yahwehay lindol o di kaya yung malawakang apoy na lumipol sa mga makasalanang taga Sodoma?

 

 

Social Media Comments