Ngayong araw ay sinisimulan natin ang apatnapong araw na paghahanda para sa pasko ng pagkabuhay ni Hesukristo sa pamamagitan ng paglalagay ng abo sa ating ulo. Photo: A. Yango / MPIM
Isang lawyer ang umuwi sa kanilang probinsya. Sumakay siya ng kanyang sasakyan. Malapit na siya ng biglang nagka-trapik at hindi na umusad ang mga sasakyan. Ibinaba niya ang bintana ng sasakyan at ng may dumaan ay kaniya itong tinanong. Sinabi nito na sa may unahan ay may nangyaring aksedente.
Bumaba siya ng sasakyan upang makiusyuso. Maraming tao kaya hindi siya makalapit sa pinangyarihan ng aksidente. Sumigaw siya at sinabing kamag-anak niya ang naaksidente. Naglingunan ang mga tao sa kanya at unti-unting nahawi upang bigyan siya ng daan.
Laking gulat ng napakayabang na lawyer pagkalapit sapagkat isa palang baboy ang naaksidente. Di ko lang alam kung kamag-anak talaga niya yung baboy!
Ngayong araw ay sinisimulan natin ang apatnapong araw na paghahanda para sa pasko ng pagkabuhay ni Hesukristo sa pamamagitan ng paglalagay ng abo sa ating ulo. Ito ay tanda ng ating pagpapakababa na tayo ay mga nilikha ng Diyos. Lahat tayo ay may mga pagkukulang at nangangailangan ng pagpapatawad at awa ng ating Panginoon.
Kaya nga tatlong bagay ang ating gawin: Prayers, Fasting and Abstinence, at Almsgiving.
Prayer. Kailangan nating magdasal. Ito ang linya ng ating komunikasyon upang makipag-usap sa Diyos. Ang pagdarasal ay hindi naman para sa Diyos, ito talaga ay para din sa ating sarili. Pumupunta tayo sa simbahan, lumuluhod, nananahimik…Ito ay pamamaraan para malaman natin ang kalooban ng Diyos.
Hindi ba’t tinuruan tayo ni Hesus na manalangin..ang Ama Namin! Ang Diyos pala ay ating Ama at hangad niya ang kabutihan ng bawat isa sa atin. Tayo pala ay magkakapatid sapagkat iisa ang ating Ama. Tularan natin si Hesus na laging nakipag-usap sa Diyos Ama kaya nga ang kalooban nila ay naging isa.
Fasting and Abstinence. Ang mga bagay na ito ay pagdidisiplina sa sarili. Hindi porke nagutom ay kakain na agad. Hindi porke nauhaw ay iinom na agad. Hindi porke inantok ay tutulog na agad. Ang pag-aayuno at pagtanggi sa mga bagay na ginagawa ay isang paraan na kontrolin ang sarili.
Sabi nung kaibigan ko, ang aso ay hindi dapat pinapakain sa gabi kase nga kapag ito ay busog ito ay matutulog lamang. Kapag ito ay gutom, ang aso ay magiging alert at gising dahil sa paghahanap ng pagkain. Makapagbabantay siya. Ganun din sa tao. Pag busog ay inaantok at hindi nagiging bukas ang mata sa nangyayari. Kaya nga isang oras bago ang misa ay di dapat kumain para gising sa misa at di patulog-tulog lamang.
Kung limang oras ka nanonood ng telenobela, pwede mo itong bawasan at gawing dalawang oras na lang. Kung limang daang text ang nagagawa mo maghapon pwede mo itong gawing isandaan na lang. Kung nauubos ang oras mo sa facebook pwede mo muna itong i-deactivate.
Kailangan natin ang mga bagay na ito para kaya nating panghawakan ang sarili. Kapag dumating ang temptations may lakas tayong labanan ito. Kapag may imbitasyon na gumawa ng kasalanan, may kakayahan na tayong magsabi ng NO!
Almsgiving. Tayo ay nag-aayuno hindi lang para sa disiplina. Hindi rin tayo nag-aayuno para sumexy. Yung atin sanang kakainin, ito ay ibabahagi natin sa mga nangangailangan. May social dimension din pala ang pag-aayuno.
Kaya nga sa panahon ng Kwaresma, hinahangad ng Diyos na dapat maging concern din tayo sa mga mahihirap. Hindi lamang sarili ang iniisip.
Prayer, Fasting and Abstinence, at Almsgiving…Gawin natin ito upang maging makabuluhan ang ating paghahanda sa muling pagkabuhay ni Kristo. At sa lahat ng ito, manatili ang ating pagpapakababa sa harapan ng Diyos.