Three years ago. Galing kumpisalan. Ako ang driver. Si Fr. Nolly ay nasa passenger seat (Bishop na siya ngayon). Sabi niya: “Punta kang Antipolo bukas. 9am misa ni Bishop Francis para sa graduation ng mga katekista. Kinabukasan pumunta ako. Trapik kaya almost 9am na ako nakarating. Diretso ako sa parking ng katedral.
Bumaba ako ng sasakyan. Sumilip sa simbahan. Punumpuno. Nagtanong ako sa lalaking nakatayo sa may pinto: “Nagsimula na baa ng misa.” “Nagsimula na!” sagot niya. Patakbo akong pumunta sa sakristiya. Nakita ako ng sacristan. Inabutan agad ako ng estola at chasuble. Nasa loob na ang mga pari. Sa gilid ng pinto nakayuko akong pumasok sa may altar. May mga katabi akong pari. Nilingon ko sila. Wala si Bishop. Hindi si bishop ang celebrant ng misa. Tumingin ako sa mga tao. Tila may mali! Maraming tao. Mga batang naka-uniform ang mga nasa upuan. Hindi ito mga katekista. Graduation ng Our Lady of Peace School ito!
Pinanindigan ko na rin. Hindi ako umalis hanggang matapos ang misa. Aalis na sana ako agad dahil sa kahihiyan pero sabi nung madre may inihanda raw silang pagkain. Nakikain na rin ako.
Umuwi ako ng Cainta. Nagreport ako kay Fr. Nolly. “Sorry po mali ang aking napuntahan. Graduation ng OLPS ako napunta sa halip na graduation ng katekista. Sa simbahan pala ng Taktak sa Antipolo ito ginawa.” Okei lang yun.” Sabi niya. “Wala din naman pala tayong katekista dun kase walang nagtuloy na ketekista galing dito sa atin!” Ahahaha…
Nasabi ko na lang next year sa graduation ng OLPS aattend ako kahit di iniimbitahan. Kahit di ako imbitado pinakain pa ako….At binigyan pa ako ng stipend!
Kahit na pari pumapalpak din. Kahit na pari sumasablay din. Kahit na pari nagkakasala pa din…
Wala naman kaseng perpektong tao. Pero ang mahalaga ay napakabait ng Diyos kase kahit na pumapalpak ay binibigayan pa rin niya ng pagkakataon na makabawi.
_______________________________________________________________
Ang puno ng igos sa kwento ni Hesus ay dapat na namumunga na within three years. Kapag hindi ito namunga ito ay talagang pinuputol na kase maliit ang chance nito na mamunga pa pero binigyan pa ng pagkakataon. Ang igos na ito ay ang tao. Paulit ulit na binibigayn ng Diyos ng pagkakataong magbago. Patuloy na inaalagaan ng Diyos upang lumapit sa kanya.
Pumalpak ka bilang asawa? Bumawi ka. Maging tapat sa asawa.
Pumalya ka bilang magulang? Magsimula ka ulit. Alagaang mabuti ang pamilya.
Sumablay ka bilang anak? Matuto na…Iwasan ang barkada. Sundin ang paalala ng mga magulang.
Bagsak ka at di makaka-graduate? Mag-umpisa muli. Tanggalin ang gadgets, hwag na maglaro ng Mobile legends kase nakakaadik. Mag-aral ng mabuti. Unahin ang pag-aaral.
Kapag nadapa babangon. Hwag ng magpapagulong-gulong sa putikan.
Kapag bumagsak tumayo muli. Hwag manatili sa kinasadlakang pangit na kapalaran.
Kapag nagkamali matuto na sa buhay. Hwag maglalangoy sa kumunoy ng kasalanan.
May warning si Hesus: “Kung hindi kayo magbabago, mapapahamak din kayong lahat.”