Ayon sa Forbes, hindi ikaw, ako, o tayo ang sentro ng mundo. Walang may pakialam sa atin gaya ng pakialam natin sa sarili natin. Nariyan ang pamilya at ilan sa mga kaibigan natin na may pakialam sa atin ngunit hindi gaya ng pakialam nila sa sarili nila. Pero kapag sinabi ba nilang may pake sila, may pakialam ba talaga sila? Kapag ba sinabi ng isang tao na wala siyang pake, nangangahulugan ba na wala talaga siyang pake sa kung ano ang nangyayari sa paligid, sa nararamdaman ng iba, at sa kapwa niya mismo?
Sa paglipas ng panahon, maraming nangyayari sa paligid natin: may magaganda at mayroon ding hindi kanais-nais. Halimbawa na lamang ang patuloy na pagdumi ng mga anyong tubig gaya ng ilog at dalampasigan. Matatandaan na noong nakaraang taon ay ipinasara ang Boracay upang magbigay daan sa rehabilitasyon nito. Bilang mamamayang Pilipino, anong pakialam mo? Isa ka bang mamamayang wala pake, isa ka ba sa mamamayang tumutol sa pagsasara, o isa ka sa sumuporta sa nasabing programa?
Sa kabilang banda, noong mga nagdaang taon hanggang sa kasalukuyan, patuloy na dumarami ang kaso ng krimen at patayan sa ating bansa. Lumaganap ang extra judicial killings. Marami ang nalungkot, nagalit, at nadismaya dahil sa nasabing patayan. Mayroon din namang walang pakialam sa mga naririnig na balita at patuloy lamang sa kani-kanilang mga pamumuhay.
Isa sa mga nadismaya sa nangyayaring kaguluhan ay ang sektor ng simbahan. Lumabas ang samu’t saring opinyon ukol sa nasabing isyu. May mga paring walang takot na nagkomento at nagbigay opinyon sa kabila ng batikos na natatanggap mula sa pamahalaan. Sinasabing mayroong church and state separation ngunit hindi nangangahulugan na hindi dapat makialam ang simbahan sa isyung panlipunan; tama lang na makialam sila dahil bahagi sila ng lipunan.
Ngunit ayos lang ba na manahimik tayo sa isang tabi? Hindi porke’t hindi tayo ‘involved’ o hindi natin nararanasan ang epekto ng mga bagay na ito, hindi na suliranin ng bansa? “We are subjected to others” ika nga sa wikang ingles. Palagi nating sinasabi na “anong pake ko?” o “anong pake mo sapagkat buhay ko naman ito? ngunit natanong na ba natin ang ating sarili kung anong pakialam natin sa mga bagay bagay na nangyayari sa mundo? Tandaan natin na ang tinatamasa nating kalayaan ay hindi “absolute,” bawat kalayaan ay may limitasyon at bawat kilos at desisyon natin ay makakaapekto sa ating kapwa, bansa, at kapaligiran kaya pag-isipan mo itong mabuti.
Ikaw, bilang bahagi ng lipunan, anong pake mo?
Lester de Castro
Writer, Website Team - Media Ministry
To those who know him, no words are required. To those who do not, no words will suffice. Lester R. de Castro is a “scholar ng bayan” at Polytechnic University of the Philippines taking up Accountancy, Business, and Management. Lester belongs to his batches’ "Cream of the Crop" dominating to a remarkable vision of the future. Currently, as a website writer of DSPNSDA’s Media and Public Information Ministry, the talents and skills he received from the Almighty above are being used and shared not only for his own good but for the good of others as well. He believes that in life, God must be the center who guides us towards the right path.