Ang lahat ng uri ng kasalanan ay nakakaadik. Kapag sinimulan mo ang isang masamang bagay at inulit na gawin darating ang panahon na mahihirapan ka ng tanggalin iyon sa iyong sarili. Magiging bahagi na iyon ng iyong pagkatao.
Ito ang kasalanan ng mayaman. Nasanay na siya sa presensya ni Lasaro kaya hindi na siya nababagabag kahit makita niya ito sa kanyang mahirap na kalagayan. Maaaring noong una niyang makita si Lasaro ay naawa siya pero dahil nasanay na siya ay naging bato na rin ang puso nito. Ang kawalang pakialam ang naging kasalanan niya. Wala siyang ginawa. Ito ang nagdala sa kanya sa apoy ng pagdurusan.
Bagamat nasa kahirapan si Lasaro hindi niya ginamit ito upang gumawa ng masama o manlamang ng kapwa. Ang kanyang pagtitiis ng hirap ang naging tiket niya upang mapasapiling ni Abraham. Hindi niya ginamit na alibi ang kanyang kadustaan para gumawa ng hindi nararapat.
Ang kawalan ng pakialam at ang paggamit ng alibi ang malaking problema ng mundo.
Nasanay na ang tao na may pinapatay kaya naging matigas na din ang puso. Nasanay na sa pagmumura kaya naman okei lang daw ang pagmumura. Nasanay na sa pagsisinungaling kaya naman wala ng pakialam kung nakakasakit ng damdamin ng iba. Nasanay na sa pagnanakaw at hindi napaparusahan kaya tuloy lang sa pagkuha ng hindi kanya. Nasanay na sa mga nanlilimos kaya nagsawa na magbigay. Wala ng pakialam kase nakasanayan na…
Nagmamadali kaya naman over speeding at hindi sumunod sa batas trapiko. Minura daw siya kaya naman minura din niya. May sakit daw ang anak niya kaya nagnakaw siya. Wala daw siyang trabaho kaya nagtulak ng bawal na droga. Mainit daw ang ulo niya kaya niya nasuntok. Masamang tao daw yun kaya patayin na lamang. Mga palusot para pagtakpan ang masamang gawa. Mga ginagamit na dahilan para malusutan ang kasamaan.
Learn from the story of Lazarus. Do good. We are our brother’s keepers.