Tuwing Viernes Santo ay ginugunita ang Siete Palabras o ang Pitong Huling Wika ng ating Panginoon habang nakabayubay sa Krus. Dito ay pinagbubulay-bulayan ang kahalagan ng pitong salita sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kuwento ng pitong tao na siyang may kaugnayan sa sa bawat salitang nabanggit ng ating Panginoon.
Sa taong ito, ang kwento ng pitong layko na sina Kidlat Maximus Ballesteros, Maren Kyle Loreño, Ria Jacob, Jezarene Aira Abroso, Guiller Castro, Alfie Angeles at Aeron Paul Fernandez ang naging daan upang mas lalo pang maunawaan ng mga mananampalataya ang konteksto ng bawat wika.
“Ama, patawarin mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”
Ibinahagi ni Kidlat ang mapait na karanasan niya bilang biktima ng cyber-bullying. Ang mga masasakit na salita at hindi matapus tapos na panghuhusga sa kanya ay tumimo sa kanyang isipan na siyang lubhang nakaapekto sa kanya sa aspetong emosyonal. Ngunit dahil sa gabay at kalinga ng kanyang pamilya, gayundin dahil sa matibay na pananalig niya sa Diyos, natutunan ni Kidlat na hindi niya kailangang pakibagayan ang lahat ng tao.
Nang dahil sa kanyang karanasan, napagtanto ni Kidlat na ang tanging kailangan niyang gawin ay pagtuunan ang mga bagay na makapagpapalago sa kanya at sa kung ano ang plinano sa kanya ng Panginoon. Dito ay natutuhan niya rin na magmahal magpatawad kagaya ng Panginoong Hesukristo.
“Natutunan kong mahalin ang aking kapwa, ang aking pamilya at ang aking sarili dahil pinatawad ako ng ating Panginoon.” Ani ni Kidlat.
“Sinasabi ko sayo, ngayon di’y isasama kita sa Paraiso.”
Marami sa atin ang nangangarap na mamuhay sa isang paraiso. Dito kung saan ang lahat ng pangangailangan natin ay abot kamay, dito kung saan ang kapayapaan ay nakapagpapakalma sa ating kamalayan. Ngunit saan nga ba natin matatagpuan ang ganitong paraiso?
Sa kuwento ng buhay ni Maren, ang paraiso ay lubhang mailap sa kanya. Simula pagkabata, marami nang pinagdaanang pagsubok ang kanyang pamilya. Nagkaaway-away, nagkasakitan at dumating sa puntong kinailangan nilang umalis sa kanilang bahay sa Laguna. Pagdating niya sa Nuestra Señora de Aranzazu Parochial School, sa kanyang bagong paraiso, muli na naman siyang sinubok dahil sa problemang pinansiyal. Ngunit dahil sa awa ng Diyos at pagsisikap ng kaniyang magulang, nakatapos siya sa mataas na paaralan.
Matapos noon ay dumating isang malaking pagsubok muli ang kinaharap ni Maren. Dahil kapos sa pangmatrikula sa kolehiyo, tumigil muna siya ng dalawang taon sa pag-aaral. Ngunit kasabay nito, ay mas lalong umigting ang kanyang pagsisilbi sa simbahan at naging kabilang din sa iba’t-ibang organisasyon gaya ng Ministry of Altar Servers, Avant Garde Singers, Parish Youth Ministry at Tanghalang Aranzazu. Ang kanyang pagsisilbi sa Panginoon ay nagbunga ng magandang biyaya sa kanya. Nakatapos siya sa pag-aaral, nakahanap ng magandang trabaho at nakahanap ng totoo at tamang mga kaibigan. Sa huli ay napagtanto niya na kung saan siya masaya o malungkot basta’t nararamdaman niya presensiya ng Panginoon, iyon ang kanyang itinuturing na paraiso.
“Babae, narito ang iyong anak, anak narito ang iyong ina.”
Ang kwento ni Ria ay umiikot sa kaniyang katatagan at pananalig sa Diyos sa kabila ng ilang taong pagsubok na pinagdaanan ng kanilang pamilya matapos ma-stroke ang kanilang ina at pumanaw naman ang kanilang ama. Kagaya ng pag-aaruga ng kanilang ina sa kanilang magkakapatid ay matiyaga nilang inalagaan ang kanilang ina hanggang sa ito ay maka-recover. Mas tumibay din ang pananampalataya ni Ria at nahanap ang kanyang misyon bilang tagapaggabay sa mga kabataang kasapi ng Legion of Mary.
“Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”
Marami sa atin ang nakauugnay sa sitwasyon na kung saan nawawalay tayo sa ating mahal sa buhay. Maaring magkakaiba ang dahilan ngunit madalas dumadating sa punto na naitatanong natin sa ating sarili, “Ako nga ba’y hindi na mahalaga sa kanila?”; “Ako kaya’y pinabayaan na nila?”.
Isa si Jezarene sa mga naka sa ganitong sitwasyon. Bata pa lamang kasi ay nakikipagsapalaran na sa ibang bansa ang kanyang ama upang maghanapbuhay. Sila ng kanyang ina at ate lamang ang laging magkakasama sa anumang kaganapan sa buhay. Lumipas ang ilang taon at isinama na ng kanyang ama ang kanyang ina sa ibang bansa upang magtrabaho rin doon. Parehas na kasi silang nasa kolehiyo ng kanyang ate at malaki ang maitutulong ng kanyang ina kung magtatrabaho rin ito roon. Hindi naman sila nawawalan ng komunikasyon ng kaniyang mga magulang ngunit iba pa rin talaga ang pakiramdam kapag kasama mo sila ng personal. Gayunpaman, pinatunayan ni Jezarene na kahit maraming problema ang dumating sa kanyang buhay ay makakayanan niya dahil sa kanyang pananampalataya sa Diyos. Ito rin ang naging daan upang mapagtanto niya ang kahalagahan ng sakripisyo ng kaniyang magulang para sa kanila.
“Nauuhaw ako.”
Sa murang edad pa lamang ay nagsimula nang maglingkod si Guiller sa simbahan bilang isang aktor sa taunang dulang Panunuluyan na ginaganap tuwing Disyembre bilang pag-alala sa kwento ng pagsilang ng Diyos at tagapagligtas nating si Hesukristo. Magbuhat noon ay napamahal na siya sa paglilingkod sa simbahan at napabilang na rin sa iba’t-ibang organisasyon dito. Ngunit sa kabila ng kanyang nag-uumapaw na kagustuhang pagsilbihan ang Panginoon, may mga pagkakataong sinusubok siya ng pagkakataon.
Disyembre 2008 noon nang maghiwalay ang kanyang magulang dahil sa hindi pagkakaunawaan. Kasama ang kaniyang ina, kapatid at tiyo Roy ay nagtungo sila sa Imus, Cavite. Dito ay ipinagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral sa elementarya. Gayunpaman, nakadarama pa rin ng kalungkutan si Guiller dahil parang may kulang sa kanya dahil hindi na sya nakakapagsilbi sa simbahan gaya noon. Makalipas ng ilang buwan, nabakas ng kanilang ina ang lungkot nilang magkapatid at napagdesisyunan nitong bumalik sa San Mateo. Nakabalik siya sa pagsisilbi sa simbahan ngunit maraming pagsubok ang dumating sa kanyang buhay. Dahil dito, minsan niya nang naisipang tumigil sa paglilingkod. Ngunit dahil sa tulong ng kanyang mga kasamahan ay nagkaroon ulit ng motibasyon si Guiller at patuloy na pinupunan ang kanyang uhaw sa paglilingkod sa ating Panginoon.
“Naganap na”
Hinanap ni Alfie ang kanyang sarili sa iba’t-ibang relihiyon. Iba’t-ibang pilosopiya ang pinanghawakan, iba’t-ibang turo ang isinaulo. Ngunit sa ilang taong paglalakbay niya, napa-isip siya at tinanong ang kanyang sarili kung tunay nga bang nabigyang kaganapan niya ang plano sa kanya ng Panginoon.
Nakukuha niya nga ang mga bagay na gusto niya, ngunit hindi naman siya ganap na masaya. Sa kanyang paghahanap ng kasugutan ay sumagi sa isip niya ang kanyang pangarap noon at iyon ay maging isang Paring Katoliko. Napagdesisyunan niyang iwanan ang lahat ng mayroon siya at pumasok sa seminaryo. Dito niya natagpuan ang kasagutan at napagtanto kung ano nga ba ang misyong dapat niyang ganapin sa ngalan ng Panginoon.
“Ama sa iyong mga kamay ay inihahabilin ko ang aking espiritu.”
Hindi lingid sa kaalaman ng mga kaibigan ni Aeron na siya ay produkto ng nasirang pamilya. Bata pa lamang siya noon nang iwanan sila ng kanyang ama. Magmula noon ay itinaguyod na silang magkapatid ng kanyang ina. Tumulong din ang kanyang Lolo, Lola at Tiyo upang makapagpatuloy sila sa buhay. Sa murang edad ay napabilang na si Aeron sa Children’s Choir. Dito nagsimula ang kanyang kwento ng paglilingkod sa simbahan.
Pagdating ng High school ay iba’t-ibang organisasyong pang-simbahan pa ang kanyang nasalihan gaya ng Temporalities at Tanghalang Aranzazu. Ang kanyang pagsisilbi sa simbahan ang naging daan upang magkaroon siya ng mas malalim na pananampalataya sa Diyos. Hindi naging balakid ang mga problemang pinagdaraanan niya sa buhay bagkus ay mas umiigting pa ang kanyang pananalig sa Diyos dahil alam niya na may nakahandang plano ito sa kanya.
Ang mga kwentong naibahagi nila sa pagninilay ng pitong huling wika ng Panginoon ay malaking tulong para sa mananampalatayang Katoliko upang mas mapagtibay ang kanilang pag-unawa sa bahaging ito ng pagpapakasakit ng ating Panginoong Hesukristo. (Flint Gorospe)