Jesus Christ with bread in hands, sacred food, crucifixion cross on background.
Noong 1993 ay nagkaroon ng matinding taggutom sa Sudan dahil sa civil war. Isang freelance photographer, si Kevin Carter, ay sumama sa UN mission upang makuhanan ng picture ang sitwasyon at mai-publish upang makahanap ng tulong. Nakita niya ang isang buto’t balat na bata na gumagapang upang makapunta sa center na kung saan naroon ang mga pagkain. Katabi niya ang isang vulture na naghihintay na mawalan ng buhay ang bata upang kanyang masila. Kinuhanan niya ito ng picture at itinaboy ang vulture. Siya ay nabigyan ng parangal na Pulitzer Award dahil sa larawang ito.
Noong 24 July 1994, siya ay nag-suicide dahil hindi niya nakayanan ang matinding depression sa buhay dahil sa nasaksihan niyang kahirapan at karahasan. Sabi niya: “I’m really, really sorry. The pain of life overrides the joy to the point that joy does not exist. …depressed … without phone … money for rent … money for child support … money for debts … money!!! … I am haunted by the vivid memories of killings & corpses & anger & pain … of starving or wounded children, of trigger-happy madmen, often police, of killer executioners.”
Hanggang sa panahong ito ay nakakaranas pa rin ng pagkagutom ang tao. Di mabilang na tao ang itinutulog na lang ang kumakalam na sikmura o umiinom na lang ng tubig upang matakasan ang sakit ng walang laman ang tiyan.
Ang pagkagutom na ito ay nilunasan ni Hesus. Pinarami niya ang tinapay at isda at nabusog ang maraming tao. Hindi pala nais ni Hesus na may nagugutom…Ito ang hamon:
Tumulong na maibsan ang pagkagutom ng mundo. “Paalisin mo na ang mga tao…” ito ang sabi ng mga alagad kay Hesus. Para sa kanila tapos na ang reponsibilidad nila. Naturuan na ang mga tao at napagaling na ang mga maysakit. Bahala na sila sa pag-uwi. “kayo ang magbigay ng pagkain sa kanila…” ito ang utos ni Hesus. Hindi ito isang option. Ito ay isang responsibilidad.
Sa mundo ngayon ng komersyalismo ang paghahangad na magkaroon ay hindi malunasan at ang dulot nito ay kawalan sa marami. May sobra sobra ang nasa kanila at higit na mas marami ang salat at kapos. Responsibilidad ng lahat ito. Hindi sapat na nabigyan ang mga nagugutom ngunit may hamon pa na alamin at tugunan ang dahilan ng kanilang malalang kinalalagyan.
Hindi sapat na bigyan ng bangka at pera ang mga mangingisda na binangga ng mga Tsino sa West Philippine Sea. Kinakailangan na protektahan ang teritoryong ito para pagkunan ng isda ng mga Pilipino. They know how to fish but it would go to waste if there is no water to fish on…Idagdag na natin na pangalagaan ang dagat na pinagkukunan ng yaman.
Hindi sapat na bigyan ng 4Ps ang mga tao. Tulungan silang matuto ng kakayanan upang makapaghanap-buhay. Bigyan sila ng opurtunidad na magtrabaho. Create more jobs.
Itaas ang sweldo. Ibigay ang nararapat na benepisyo. Ayusin ang lugar ng trabaho. Bawasan ang tax ng mga nasa laylayan. Presyo ng palay itaas at ibaba naman ang presyo ng bigas.
Nawa ang mga pictures ng kahirapan ay magdala sa atin upang gumawa ng ating makakaya sa ating munting kakayanan upang makatulong na maiangat ng kalidan ng mga tao na kumakalam ang sikmura.
Ibinigay ni Hesus ang kanyang Katawan at dugo upang malunasan ang pagkagutom ng mundo. Ito rin ang gawain ng tunay na kristiyano. Kung patuloy na hindi ito isasabuhay marami pa ding Kevin Carter ang makakasaksi ng kahirapan, marami pa ding tulad niya ang susuko na lamang…