O Hesus ko, patawarin Mo kami sa apoy ng Impiyerno. Hanguin Mo ang mga kaluluwa sa purgatoryo. Lalung-lao na yaong mga walang nakakaalala. Amen.
SAN MATEO, Rizal – Tampok sa pagdiriwang ang mga misa sa mga simbahan na susundan ng prusisyon ng imahen ng Mahal na Birhen ng Sto. Rosario. Lalahukan ng mga parishioner at ng mga may debosyon at may panata sa Mahal na Birhen ng Sto. Rosario.
Ang kapistahan ng Mahal na Birhen ng Sto. Rosario ay nagsimula noong 1571 at ito ay iniugnay sa pagpapasalamat sa tagumpay ng pinagsanib na puwersa ng mga Kristiyano nang talunin nila ang lakas ng mga Turko sa Lepanto, Greece na tinangkang sakupin ang Europa. Sa nasabing tagumpay, napigil ang pananalakay ng mga Turko at nagwakas ang hangaring sakupin ang Europa.
Ang pagwawagi ay iniugnay ni Saint Pope Pius V sa patnubay ng Mahal na Birhen at sa pagdarasal ng Sto. Rosario. Nasa 15,000 bangka ng kaaway ang napalubog. Nasa 20,000 ang namatay. Napalaya ang 12,000 bihag na mga Kristiyano at may 7,000 Kristiyano naman ang namatay sa labanan.
Bunga ng nabanggit na tagumpay ng mga Kristiyano at bilang pasasalamat, nagprusisyon sila nang walang sapin sa paa kasama ang imahen ng Mahal na Birhen ng Sto. Rosario. Sa nakamit na tagumpay, itinakda ng Papa ang kapistahan ng Nuestra Senora dela Victoria. Nang lumaon, ay naging pista ng Nuestra Senora del Sto. Rosario. Noong 1569, opisyal na pinagtibay ni Saint Pope Pius V na ang pista ng Mahal na Birhen Sto. Rosario ay sa buwan ng Oktubre. Itinakda ang kapisatahan ng ika-7 ng Oktubre.
Ang imahen ng Mahal na Birhen ng Sto. Rosario ay idinambana sa unang pagkakataon sa simbahan ng Sto. Domingo sa Intramuros, Maynila noong 1593. Ang imahen ay regalo ni Don Luis Perez Dasmariñas, dating Spanish Governor at Kapitan Heneral ng Pilipinas, sa mga paring Dominiko. Ang debosyon sa Mahal na Birhen ng Sto. Rosario ay nagsimula noong 1646.
Mula 1941 hanggang 1953, ang imahen ng Mahal na Birhen ng Sto. Rosario ay nakadambana sa simbahan ng Santissimo Rosario sa compound ng Unibersidad ng Sto. Tomas. At noong Oktubre 10, 1954, ang imahen ay inilipat sa simbahan ng Sto. Domingo sa Quezon City. Ipinahayag ng Philippine Hierarchy na ang simbahan ng Sto. Domingo ang National Shrine o Pambansang Dambana ng Mahal na Birhen Sto. Rosario na nang lumaon ay tinawag na Mahal na Birhen ng La Naval na ang kapistahan at grand procession ay idinaraos tuwing ikalawang Linggo ng Oktubre.
Ngayong kapistahan ng Mahal na Birhen ng Sto. Rosario, isang magandang pagkakataon sa lahat ng mga Katoliko na magpasalamat sa Panginoon sa pagkakaloob Niya sa atin ng Mahal na Birhen ng Sto. Rosario, ang ating Ina at Reyna sa langit. Mula sa Balita, October 2017