Sa ikalang Simbang Gabi ay inisa isa ni Reberendo Padre Bembol Hiteroza sa kaniyang homily ang apat na bagay na matututunan mula sa Genealogy o Family Tree ni Hesus.
Una, “Kapag ang Diyos ay nangako, hindi napapako.” Nang sinabi ng Diyos, sa pamamagitan ng pamamalita ng isang anghel, na si Maria ay magdadalang-tao, Kaniyang tinupad iyon. Hindi nagbago ang Kaniyang isip. Hindi naantala ang plano, hindi napako ang Kaniyang pangako. Kung minsan sa buhay, mahilig tayong magbitaw ng mga salitang hindi naman natin kayang panindigan. Madalas ito sa isang romantikong relasyon. “Hindi kita bibitawan,” “Iintindihin kita hanggang sa huli,” “Hindi kita sasaktan,” ilan lamang ito sa mga pahayag na madalas nating marinig sa mga magkasintahan. Madalas, kung sino pa ang nagsasabi ng mga ito, siya ring umaalis, kumikitid ang pang-unawa, at nananakit bandang huli. Totoo ngang may ganito sa relasyon ng mga tao ngunit, tanging ang Diyos lang ang Siyang nananatiling tunay, tapat, at may paninindigan sa Kaniyang ipinapangako kung kaya’t nararapat lang na Siya ang ating maging pag-asa.
Ikalawa, “Ang Diyos ay naging tao, lahat ng aspeto ng pagkatao, maliban lang sa isa… sa kasalanan.” Ang mga ninuno ni Hesus ay nagkaroon din ng bahid ng kasalanan tulad na lamang ni Solomon na nagkaroon ng 300 asawa at nakipagrelasyon pa sa 700 babae. Hindi lahat ng pinagmulan ni Hesus ay mabuti. Sila’y tao rin na nagkasala, na nadala sa kanilang kahinaan. Sa panahon naman ngayon kung saan laganap na ang paggamit ng internet ay madali nang matukso ang tao na siyang dahilan upang magkasala ito. Isa sa aspeto ng pagiging tao ay ang kanyang pisikal na kaanyuan, ang kaniyang katawan. Isa rin ito sa magpapain sa kaniya upang makagawa ng kasalanan. Usong uso ngayon sa mundo ng Twitter ang pagpopost ng mga larawan o video na naglalaman ng sensitibong konteksto at ito ang tuksong kinahaharap ng mga kabataan sa panahon ngayon. Ang Diyos ay dumaan sa pagiging tao sa kabila ng pagiging banal o iyong tinatawag na Divine Nature ngunit wala siyang naging anumang bahid ng kasalanan sapagkat Siya ang anak ng Diyos.
Ikatlo, “Sa pagkakatawang tao ni Hesus, ay tinibag Niya ang pader… ng mga lalaki at ng mga babae, ng mga hudyo at ng mga hentil, at ng mga banal at ng mga makasalanan.” Ang Diyos ay para sa lahat. Walang Siyang pinipili dahil Siya ang Diyos ng katarungan. Pantay ang pagtingin Niya sa lahat: sa dukha at sa mayaman, sa sikat at sa hindi pinahahalagahan sa lipunan, sa bata at sa matanda. Ngayon, marami nang sekta ang nag-aangkin na sila lamang ang maliligtas. Huwag nating angkinin ang Diyos. Bukas Siya para sa lahat. Kung matatandaan natin ang istorya ng ‘The Prodigal Son,’ tinanggap ng ama ang suwail niyang anak. Ganoon din ang Diyos sa atin. Gaano man tayo makasalanan, buong buo Niya tayong tatanggapin dahil wala Siyang pinipili, dahil bukas Siya sa anumang bagay, at dahil Siya’y para sa lahat.
At ang panghuli, “Iginagalang ng Diyos ang sarili nating pag-iisip, ang ating free will.” Tunay na makapangyarihan ang Diyos ngunit dahil lubos ang Kaniyang pagmamahal sa atin, hinahayaan Niya tayo sa kung anong ninanais natin sa buhay. Kailanman ay hindi Niya tayo kinontrol kahit pa may kapasidad Siya upang ilihis ang ating mga gawain sa kung anong gusto Niya. Darating sa buhay na tayong mga tao ay mahihirapan, magkakasakit, mawawalan ng pera, mawawalan ng trabaho, babagsak ang grado, at iba pang mga dagok sa buhay. Ngunit, huwag nating isisi lahat sa Diyos dahil tayo bilang tao ay may kakayahang mag-isip kung ano ba ang dapat gawin. Tayo ang responsable sa bawat pagsubok na ating kahaharapin. Hindi nawawala ang Diyos upang tayo’y tanggapin sa huli. Babalik at babalik din tayo sa Kaniya.
Sa ikalawang araw ng Simbang Gabi, nais ipahayag ng Diyos na makasalanan man ang tao mula pa umpisa, tayo ay Kaniya pa ring minamahal.