Pilipinas ‘to, Pinoy tayo, nuknukan ng mga kutsero’t barber na ‘di maubus-ubusan ng kaniya-kanyang kati ng isip at dila. Maiksing pambungad, pananalita para sa paksa natin ngayon: Kung may kape na sa Israel noong panahon ni Kristo, ano kaya (kung siya’y umiinom nito) ang kapeng tatangkilikin niya?
“I’ll go first,” sabi ng barbero, “because I have the floor.” Sagot ni parokyano na nakaupo sa silya – “I’ll go first because I have the Chair!” Nagbato-bato-pick pa sila para maresolba kung sinong magbibigay ng unang kuro-kuro hinggil sa tanong na nabanggit sa itaas. Siya namang pasok ng kutsero at isang tambay-miron na ‘di maiwasang maintriga sa paksa na inilahad kani-kanina lang. Aba’y lalong gumulo at sumigla ang usapan nang maging four-sided.
Una si barbero: Sa ganang akin, ang magiging pinakamalamang na brand ng kape ni Kristo Hesus ay . . . Espresso, yung walang anumang asukal o gatas kaya, pagka’t sinilalarawan nito ang kapaitan ng nakatakdang kalbaryong tatahakin ng ating Panginoon – ‘Di ba’t, wika pa Niya “o, Ama, kung maaari lamang, nawa’y alisin mo sa Akin ang sarong ito, ngunit hindi ang aking gusto bagkos ay ang pasiya Mo.” Espresso dahil siya ay itinuturing na preso nang mga sandaling iyon,” pagtatapos ng barberong banal.
Dali-daling bumulalas ng opinyon si Parokyano, bahagyang pumihit sa kanyang pagkakaupo upang harapin ang tatlong katunggali, at kapagdakay nagwika: Malabo ka, pre, pero kahit papaano pasang-awa ka pa rin para sa akin. Ang malamang na iinuming kape ng ating Panginoon ay walang dili’t iba kungdi – JAVA, at bakit hindi e ‘yun naman ang TETRAGRAMMATO na binubuo ng mga letrang YHWH nasi yang pangalan ng Diyos Ama, hango sa mga vowels e-o-a isang Ebreong kataga na nangangahulugang PANGINOON, AMO, ASAWANG LALAKI, o DIYOS. Sa in-Englishita JEHOVAH pero ‘di ginagamit ang ganitong porma. Marami-rami pa akong maidadagdag dito. Masiyahan nawa kayo sa KAPErasong idaragdag ko rito at patapos na ang usapan. Ang maiksing bersyon ng JEHOVAH ay walang iba kungdi – JAVA.
Teka-teka; singit ng kutsero’t miron. Meron din naman kaming opinyon dyan na dapat niyong marinig din. Yung mga akmang katagang pangdalubhasa ninyo, mga SARO NG KAPAITANG KALBARYO, mga TETRAGRAMMATO – nakakabilib talaga, kaya lang wawalising parang agiw lang mga kung saan-saan niyo hinagilap yang mga yan. Ang saganang amin nitong aking pasaherong-miron sa usapan ay ito. Ang kapeng malamang na malamang ipag-uutos Niyang bilhin ni Hudas Iskaryote ay – THREE-IN-ONE, kahit ano ang brand basta 3-in-1 naglalarawan ng di mailara-larawang HOLY TRINITY.
Ngayon bahala na ang makakasagap ng ating usapan, kami ni miron may pupuntahan pang pagtitipon. Nawa’y magti-3-in-1 kayo tuwing maaalala niyo kami. Adios.