Tuwing Mayo, isa sa mga pinaka malalaking pagdiriwang na ginugunita ng Simbahang Katolika ay ang Flores de Mayo o sa Ingles ay “Flowers of May”. Sa pangkalahatan, ito ay pagpupugay sa Mahal na Birhen at kanyang mga titulo. Isinasagawa ito sa pamamagitan ng pag aalay ng mga bulaklak, mga misang nobena, at sa huling linggo ay isinasagawa ang Santacruzan na inaabangan ng lahat.
Ang Santacruzan ay parada ng mga naggagandahang Reyna sa kani kanilang parokya. Ngunit, alam mo ba kung bakit ito isinasagawa-? Paano nga ba nagsimula ang Santacruzan? Ang Santacruzan ay komemorasyon at pagpupugay kay Reyna Elena ng Constantinopole at sa kanyang anak na si Constantine sa pag hahanap ng tunay na krus kung saan ipinako si Jesus. Ang pitumpu’t limang anyos na Reyna ay nagpatawag ng kanyang tatlong aliping may sakit at isa isa silang pinahiga sa mga krus. Ang isang krus kung saan tuluyang gumaling ang alipin ay syang itinuring tunay na krus ni Jesus.
Sa Pilipinas, nagsimula ang Santacruzan sa Malolos Bulacan, sa kalagitnaan ng 1800’s. Ito ay kinapapalooban ng mga tauhan na sila Methusaleh, mga Aetas, Samaritana, si Veronica, ang Tres Marias at ang Marian. Ngunit ang mga pangunahing tauhan ng Santacruzan ay ang mga reyna na sumisimbulo sa mga katangiang dapat taglayin ng isang mabuting Kristiyano. Ang mga reynang ito ay ang mga sumusunod:
Si Reyna Fe, sya ay may hawak na Krus at sumisimbolo rin sa pananampalataya. Ang pananampalataya ay isa sa pinaka magandang katangian na dapat taglayin ng isang mabuting Kristiyano. Sa pananampalataya masusukat ang paniniwala at pagmamahal natin sa Diyos. Kung meron tayo nito, tiyak ay masusunod natin ang kanyang mga utos at mabuting balita.
Si Reyna Ezperanza naman ay may hawak na angkla at sumisimbulo sa pag-asa. Isang regalong maituturing ang katangian na ito dahil ang ang pag-asa ay syang nagtuturo sa mga tao na patuloy maniwala na gaganda rin ang sitwasyon ng mga bagay. Matutong lumaban hanggang huli at kahit gaano pa kalala ang sitwasyon ay malalagpasan rin natin ito sa tulong narin ng Maykapal.
Si Reyna Caridad ay may hawak na pulang puso na sumisimbolo sa awa. Sa oras ng kagipitan, ang pagtutulungan ay lubhang mahalaga para sa lahat. Kung ang bawat taong may pribilehiyo ay ililigtas ang mga kapos palad mula sa gutom, wala ng magdudusa sa hirap at ang mundo ay mababalot ng pagmamahalan.
Si Reyna Abogada ay may suot na toga at may dalang malaking libro, sya ang tagapag tanggol ng mahihirap at kapos palad. Ang kanyang katangian ay maaring ikonekta kay Reyna Caridad. Sinasabi lamang nito na ang mga tao ay dapat mapalapit ang loob sa mga mahihirap at nahihirapan datapwat kailangan nila ng kaagapay mahigit kaninuman.
Si Reyna Justicia ay may dalang timbangan at espada siya ay sumisimbulo sa hustistya. Ang lahat ng tao ay may karapatang magkaroon ng hustisya, mayaman man o mahirap. Sinasabi din nito na huwag maging bulag sa mga bagay at magkaroon ng lohikal at kritikal na pag-iisip.
Ang panghuli ay si Reyna Paz na sumisimbulo sa kapayapaan. Sa lahat ng oras ay dapat tayong magkaroon ng kapayapaan. Huwag sumang ayon sa pang aabuso at maging mabuti sa kapwa. Tapusin ang mga gyera sa buong mundo at magkasundo sa lahat ng bagay.
Sa panahon ng pandemya dulot ng nakamamatay na COVID 19 ay lubhang mahalagang isabuhay ang mga magagandang katangian na sinisimbulo ng mga Reyna sa Santacruzan. Ang bawat Kristiyano ay inaasahang taglayin ang lahat ng ito. Naway mamayani sa ating puso ang pagtulong sa kapwang mga nangangailangan. Lawakan ang ating mga pag-iisip at imbis na magkagulo at mag away ay ibaling nalang ang lakas sa pagkakawang gawa at pagtutulungan. Nakapipinsala at mahirap puksain ang pandemyang ito, ngunit kung tayo ay magkakaisa para ito ay wakasan, walang magiging imposible. Dahil ang malakas na pananampalataya at pagtitiwala ay hindi kailanman madudurog ng kahit ano pa.