Pagbabahagi ng kwentong-himala matapos humiling sa Mahal na Birhen ng Aranzazu, sa buhay ng mag-asawang Elvison at Hazel Alcantara ng Siniloan, Laguna. Photo: Getty Images
SINILOAN, Laguna – Isang liham ng patotoo ang ipinadala ng mag asawang sina Elvison at Hazel Alcantara mula sa Siniloan, Laguna matapos silang makatanggap ng himala mula sa Birhen ng Aranzazu. Ipinagkaloob ang matagal na nilang kahilingan na magkaroon ng anak sa kabila ng Polycystic Ovary Syndrome (PCOS) ni Hazel. Ito’y nangyari matapos dumalaw ang imahen ng Birhen ng Aranzazu sa kanilang tahanan. Narito ang kanilang liham:
“Matagal na kaming deboto ng ating Mahal na Ina at pareho kaming kaanib ng mga samahang pangsimbahan na nangunguna sa mga gawaing pagpaparangal sa ating mahal na Ina. Ito ang mga Samahang Medalya Milagrosa at Samahang Bulaklakan ng Siniloan. Sa mga samahan ding ito kaming mag-asawa, ika nga e nabuo at namukadkad bilang katipan. Kasabihan ng matatanda na may mga nagkakatuluyan sa mga opisyales ng mga samahan, at hindi nga sila nagkamali.
Noong May 18, 2019 ay naging ganap kaming mag-asawa sa biyaya ng ating Panginoon. Puno ng pasasalamat ang aming binibigkas sa tuwing nagdarasal sa walang hanggang biyaya ng ating Panginoon at sa gabay at mataimtim na panalangin ng Mahal na Birhen.
Pareho naming dama ang gabay ng Mahal na Ina, isang malaking handog at nararapat na alagaan at pagyamanin. Kasabay ng aming pasasalamat ay ang paghiling ng magpapatibay sa aming binubuong pamilya – ang isang anak.
Sa aming ika-pitong buwan ng pagsasama, napagdesisyunan na namin na kumonsulta sa eksperto upang matulungan din kami. Dito namin nalaman na ang aking maybahay ay mayroong Polycystic Ovary Syndrome (PCOS), ito ay nagagamot, ngunit hindi magiging madali ang pagkakaroon ng anak.
Bagaman hindi naging madali ang aming hiling na magkaroon ng sariling supling, patuloy parin kaming naniwala na walang hindi magagawa sa awa at pagpapala ng Panginoon.
Bungad ng taong 2020, buwan ng Enero, kaming mag-asawa ay nakalipat ng tahanan at tila mapaghimala ang tawag ng Mahal na Ina. Ang aming unang bisita ay ang Mahal na Birheng Aranzazu ng Siniloan. Sa kanya namin hiniling na mabasbasan ang bahay at hiling at dasal na mapagkalooban ng sariling supling.
Makalipas lamang ang dalawang buwan na pag dalaw niya ay sinagot ng Mahal na Ina ang aming dasal at kahilingan! Tunay na pagtitiwala at pananalig ang susi.
Ngayon na nag dadalantao na ang aking kabiyak, dasal pa rin namin ang kanyang gabay sa tuwina. Maayos na kalusugan ng aming magiging anak at payapang pagluwal sa kanya. Kasama na rin na gabayan kaming mag asawa bilang maging mabuting mga magulang sa napakalaking handog ng Ama sa itaas at supporta ng mahal na Ina.
Sa pagpapalang ito, kami ng aming pamilya ay patuloy na nagbabahagi ng aming sarili upang maging intrumento sa pagpapalaganap at patuloy na pamimintuho sa Mahal na Birheng Aranzazu. Dahil sa lahat ng ito, kaming mag asawa at ang aming magiging anak ay buhay na patotoo na ang Mahal na Birheng Aranzazu ay may tunay na mapaghimalang Kamay na hihipo sa bawat taong nanalig at naniniwala.
Salamat sa Aranzazu Knights Siniloan Chapter sa pagpapatuloy ng Mahal na Birheng Aranzazu sa aming tahanan at maging sa aming buhay. Salamat, Ina. Salamat. Viva La Virgen!”
Isa lamang sina Elvison at Hazel Alcantara sa libu-libong mga debotong nakaranas ng himala mula sa Mahal na Birhen ng Aranzazu tulad ng paggaling mula sa Aneurysm, Infertility, Successful Surgery and Recovery, Passing Professional Exams, Safe Travel, Business Success, at iba pang natupad na mga kahilingan matapos ang kanilang taimtim na panalangin sa Birheng Aranzazu.
Taong 2016 nang makalikom at makapagtala ang Cofradia de Nuestra Senora de Aranzazu ng higit limang libong (5,000) liham ng pasasalamat at himala na siyang isinama sa dokumentong ipinasa sa Santo Papa sa Roma, upang mapahintulutan ang petisyon ng kanyang Canonical Coronation. Patuloy pa din ang mga nagpapadala ng mga liham ng patotoo sa Petition Box sa Oratorio hanggang sa ngayon, na siyang patunay sa makapangyarihang panalangin ng ating minamahal na Ina at Patrona, Nuestra Senora de Aranzazu.
Christian Jasper Robles
Senior Writer, Website Team - Media Ministry
Christian is a graduate of Bachelor of Arts in Communication at Colegio de San Juan de Letran. He is a member of the writer’s team of Aranzazu Media and Public Information Ministry. A singer, performer, writer, church servant, and a Marian devotee. Currently, he is the secretary of Association of Our Lady of Aranzazu- Cofradia and member of Avant-Garde Singers. Passionate about writing different local religious traditions and Mariology matters; Christian is strongly dedicated in promoting and propagating the devotion to Our Lady of Aranzazu.