Noong nakaraang buwan, ako ay nakatanggap ng text mula sa isa kong dating parishioners sa Holy Family Parish, Parang, Marikina City (1999-2006). Siya’y nagpasalamat sa akin dahil ako raw ang naging daan para gumaling at maging maayos ang buhay ng kanyang kuya. Sabi ko sa kanya ay hindi ko na natatandaan iyon at huwag sa akin magpasalamat kundi sa Panginoong Diyos. Ako ay naging kasangkapan lamang ng Diyos. Pero sa totoo lang nakakataba rin ng puso.

Ngayon ako ay nagdiriwang ng ika-tatlumpong taon sa ministeryo ng pagkapari. Itinatanong ko sa sarili ko kung ano ang kahalagahan o kabuluhan ng pagdiriwang na ito sa panahon ng covid-19. Ang nasabi ko lang ay tuloy ang takbo ng buhay sa gitna ng takot at pagkabalisa. Ako ba ay nakaambag sa pag-akay ng mga mananampalataya? Ako ba ay nakapagligtas ng mga kaluluwa? Kung sana kahit may isang kaluluwa na akong nailigtas sa loob ng isang taon, mantakin ninyo 30 taon na ako sa pagkapari ey di may 30 na kaluluwa (HYPOTHETICAL). Di na masama He! he! Seriously speaking, ang Diyos lamang ang nakakaalam.

Ang aking pagkapari ay biyaya ng Diyos. Alam ko na di ako karapat-dapat na tagapaglingkod niya subalit tinawag at pinili pa rin niya ako sa kabila ng lahat. Kaya napakalaki ng aking pasasalamat sa Kanya.

Maraming matatalino, makikisig at banal sa aking mga kaklase at ka-batch ngunit di sila naging mapalad. Sila dapat ang naging pari dahil sa kanilang magagandang katangian. Ako ay isa lamang hamak at payak na tao na galing sa isang pamilyang isang kahig, isang tuka. Wala akong maipagmamalaki.

Kahit tatlumpong taon na sa pagkapari, ang pakiramdam ko ay tila nagsisimula pa lamang. Maraming tanong ang hindi ko mabigyan ng kasagutan. Maraming desisyon na tila taliwas sa kalooban ng Diyos. Maraming pagkakataon na tila nasayang. Subalit di pa rin nagbabago ang awa at pag-ibig ng Diyos.

Ang tagal ko ring nag-aral. Pagkatapos ng 4 na taon Pilosopia (College) at 4 na taon Teyolohiya ay nag-aral pa rin ako ng Business Administration at Education ngunit ang pakiramdam ko ay di pa rin sapat. Tama nga ang sinasabi ng mga pantas na habang patuloy silang nag-aaral at tila wala pa ring nalalaman.

Hindi ba nasayang ang biyaya ng pagkapari? Hindi ko ba naitapon ito sa mga aso at baboy? Ang mensahe ng Mabuting Balita sa araw na ito (Mateo 7:6) ay “hindi natin dapat gawing masama ang dapat na mabuti, dahil sa huli tayo rin ang mahihirapan.”

Para sa akin ay ginawa ko at ginagawa ang aking makakaya ngunit may mga pagkakataon na mali ang aking pagpapasiya. Pananagutan ko sa harap ng Diyos ang aking mga kamalian at pagkukulang. Handa ako magbayad-puri at mapag-ibayo ko ang aking paglilingkod sa sambayan. Sabi ni James Ingram sa kanyang awit na “Just Once” “I did my best, but I guess, my best wasn’t good enough.”

Maraming salamat sa Panginoong Diyos hindi lamang sa regalo ng pagkapari kundi pati na rin ang pagkatalaga sa akin sa parokyang ito ng Nuestra Señora De Aranzazu. Malaking bagay ito sa akin dahil may mga kapatid na pari na sina Fr. Bogie, Fr. Gerry, at Fr. Arun at katuwang ko sa mga gawaing pamparokya lalo na sa panahon na ito. Siguro kung mag-isa lang ako sa parokya ay tepok na ako. Salamat din sa lahat lalong-lalo na sa manggagawa ng simbahan sa pamumuno ni Bro. Dani Villanueva. Naging magaan ang aking paglilingkod dahil sa inyo. Salamat din sa lahat ng naging bahagi ng pagkapari mula sa unang assignment ko hanggang sa kasalukuyan. Hindi matutumbasan ang inyong suporta at pagmamahal. God Bless you!

 

 

Social Media Comments