Tuwing darating ang Kapaskuhan, saan ka man lumingon ay makikita ang liwanag ng mga Christmas lights na nakalagy sa mga Christmas tree, sa bintana ng bawat tahanan at maging sa mga lansangan. Napakasarap tingnan ng mga ilaw na ito ngunit sa likod ng kanilang mga kislap ay may mensahe rin tayong makukuha sa mga dekorasyong ito.
Sa ating buhay, may kanya kanya tayong itinuturing na liwanag – ang karangyaan, katanyagan, kayamanan, at iba pa. Ang mga bagay na ito ang inaakala nating makakapag pakuntento sa atin ngunit ang mga ilaw na ito ay walang hanggan nating hinahabol. Kapag napasakamay na natin ay doon natin matatanto na ang liwanag na dala ng mga bagay na ito sa ating buhay ay unti unting mapupundi at kalauna’y mamamatay.
Lahat tayo’y ipinanganak na may natural na liwanag sa ating mga puso. Gaano man katingkad ang liwanag na ito, paminsan ito ay paindap indap, at paminsan ay napapaundi din ngunit ang Diyos ay may sariling liwanag. Ang kanyang liwanag ay mananatiling matingkad at maningning, hindi hihina, hindi aandap at hinding hindi mamamatay.
Isang magandang halimbawa si Mother Theresa of Calcutta, sa dami ng kanyang mabuting nagawa ditto sa mundo sa pamamagitan ng pagsunod kay Kristo at pagsisilbing liwanag sa buhay ng maraming tao, nananatili pa ring matingkad ang kanyang ilaw kahit na wala na sya sa mundo. Ito ay dahil si Mother Theresa ay nakakonekta sa tunay na ilaw, si Kristo.
Kung tayo ay kukonekta kay Kristo, tayo ay makakakuha ng tunay na liwanag sa ating buhay, ang ilaw na magliliwanag panghabambuhay. Kung tayo ay nakakonekta kay Kristo, tayo rin ay magliliwanag para sa iba. Upang tayo ay magliwanag, tayo ay sumunod kay Kristo, sikapin nating maging tulad Niya upang Makita Siya ng ibang tao sa ating mukha.
Sikapin natin sa bawat araw maging liwanag sa buhay ng mga taong nakapaligid satin upang sa pagdating ni Kristo na syang tunay at pinakamatingkad na liwanag, tayo ay maging karapat dapat sa kanyang awa at mga biyaya.