Habang tayo’y nabubuhay, para tayong naglalakbay. May landas na tinatahak para may magandang destinasyon na mapuntahan. Sa pagtahak ng matuwid na landas na inilaan ng Diyos, kinakailangan din nating magpakatuwid para makausad. Ngunit paano nga ba maging matuwid sa paningin ng Diyos?
Isang ehemplo ng pagiging matuwid si Jose na asawa ni Maria at ama ni Hesus. Sa usaping ito nararapat lamang na ikonsidera ang dalawang bagay: tama at mabuti. Hindi magiging matuwid ang isang tao kung ang isa sa dalawang katangian ay mawawala. Nagawa ni Jose ang pagpapakatuwid noong panahon na nalaman niyang nagdadalang-tao si Maria bago pa man sila magsama. Inilayo niya ito sa kahihiyan. Hindi rin lamang niya sinunod ang batas kung hindi sinunod niya ang espiritu ng batas.
Bago tayo magdesisyon dapat nating pagnilayan kung ito ba ay tama at mabuti. Kinakailangan nating pag-isipan ang lahat ng hakbang na ating gagawin upang maging matuwid tayo sa paningin ng Diyos.
Ang pagiging masunurin naman ang sumunod na naging katangian ni Jose na naging rason din kung bakit siya ang perpektong ehemplo ng pagiging matuwid. Naipamalas niya ito sa pamamagitan ng pagsunod sa sinabi ng anghel ng Panginoon sa kaniyang panaginip noong iniisip niyang hiwalayan na lamang si Maria. Hindi siya natakot na pakasalan si Maria dahil ang kaniyang pagdadalang-tao ay bunga ng espiritu santo. May plano man na nagawa noong una, hindi na nagdalawang-isip si Jose na gawin ang plano ng Diyos lalo na noong malaman niya na ito ay para sa ikabubuti ng nakararami.
Mayroon tayong mga plano para sa sarili natin at sa ilang mga bagay sa buhay. Sa tingin ng karamihan, wala nang mas sasaya pa pag nagawa mo ang plano na itinakda mo para sa sarili. Masaya dahil may ngiti sa mga labi, ngunit magiging masaya pa lalo ang ating puso pag pinili at nasunod natin ang plano ng Diyos para sa atin. Sa pagsunod at pamumuhay nang naayon sa kaniyang kalooban, makikita natin ang tunay na kaligayahan.
Pagsikapan nating isabuhay ang katangiang ipinakita ni Jose. Sa ganitong paraan, magiging matuwid tayo sa paningin ng Diyos.