Matuto tayong magpakumbaba at sumunod sa kung ano ang plano ng Diyos para sa atin.
“Maganap nawa sa akin ayon sa wika mo.”
Minsan sa buhay, hirap na hirap tayong sumunod – sa ating mga magulang, sa payo ng ating mga kaibigan, sa ating mga propesor, at kadalasan, sa plano ng ating Diyos. Naputol na relasyon sa kaibigan, pamilya, at sa minamahal – ito ang isa sa mga bagay na dahilan ng ating pagtatanong “Bakit po kaya ganito, Panginoon?”
May mga pagkakataon din na hindi natin nakakayanang labanan ang tukso at tayo’y nalululong sa mga makamundong posesyon. Kung minsan naman, mas inuuna at inaalala natin ang ating mga pansariling interes kaysa sa mas ikabubuti ng nakararami. Ngunit sa lahat ng pagkakataong ito, alalahanin natin si Maria, ina ni Hesus, na walang alinlangang sumunod sa iniatang ng Diyos na siyang naging bahagi ng planong pagliligtas sa sangkatauhan.
Sa ikaapat na linggo ng Adbiyento, binigyang-diin ni Reberendo Padre Jose Miguel Tan ang tatlong katangian ni Maria na nararapat nating tularan:
1. Pagpapakumbaba
Sa pagtugon ni Maria’y tinanggap niya ang kanyang gampanin bilang ina ni Hesus. Hindi sya nagkaroon ng sariling plano, bagkus, siya’y sumunod sa plano ng Diyos. Ang kanyang pagsunod ay may kaagapay na pagtitiwala sa Panginoon. Ang mensahe sa atin ni Maria’y hayaan natin ang Diyos na dalhin tayo sa kanyang plano. Magtiwala tayo nang lubos at alisin ang ating mga pag-aalinlangan sa buhay.
2. Katapangan
Sapagkat siya’y nagtitiwala sa Panginoon, noon pa man bago siya kausapin ng anghel, matapang nyang hinarap ang kanyang dakilang papel. Hindi nya piniling matakot. Hindi siya nagpatalo kay Satanas. Hindi nya naisipang humindi o umatras. Bagkus, pinanindigan nya ang kanyang tugon hanggang sa huli. Gaya ni Maria ay maging mapagtimpi tayo sa anumang tukso na nasa ating paligid. Patuloy tayong gumawa ng kabutihan at humarap nang buong tapang sa kung anong papel ang ninanais ng Diyos para sa atin.
3. Kooperasyon
Inalala ni Maria ang kapakanan ng sangkatauhan. Hindi nya inisip ang kanyang magiging suliranin sa pagbubuntis at sa pagpapalaki sa anak ng Diyos dahil para sa ikabubuti ng nakararami ang kanyang gagawin. Ngayong pasko, tayo’y magpakumbaba, maging matapang, at magkaroon ng kooperasyon sa ating Diyos. Ang pinakamagandang maireregalo natin sa paparating na si Hesus ay ang pagpapatawad sapagkat sa pamamagitan nito ay maisasabuhay natin ang mga konsepto ng pagpapakumbaba, katapangan, at kooperasyon na may kaakibat na pagtitiwala sa Diyos sa anumang posibleng mangyari sa mga susunod na umagang paggising natin. Patuloy nating ipagdasal si Maria, ina ni Hesus at ina ng buong Simbahan, na nawa’y maging daan siya upang mapaigting pa natin lalo ang koneksyon natin sa Diyos.
Ikaw, nasa daan ka ba patungo sa plano ng Diyos o sa daan na ginawa mo lamang nang mag-isa?