Maria

Kailan ang huling beses na ikaw ay dumalaw sa taong malapit sa iyong puso?

Nang sumapit ang buwan ng Marso, tayo ay ginulat ng isang balitang nagsasaad na kinakailangan nating manatili sa ating mga tahanan. Ito ay upang maiwasan ang pagkalat ng virus na tinawag na COVID-19 o Novel Coronavirus Disease 2019. Mula noon ay hindi na tayo malayang gumawa ng anuman nang walang face mask at hindi sumusunod sa health protocols na inilatag para hindi na lalo pang kumalat ang nasabing sakit.

Para sa ikaanim na araw ng Misa de Gallo ay pinagnilayan natin, sa pangunguna ng ating kura paroko Reb. Pd. Lopito Hiteroza, ang pagdalaw ni Maria sa kanyang pinsang si Elizabeth na nasa ikaanim na buwan ng kanyang pagdadalang-tao sa tulong ng Espiritu Santo.

“We are social beings. Kailangan natin ang isa’t isa.” ani Padre sa kanyang sermon.

Binigyang-diin din dito kung gaano kalaking bagay ang presenya ng tao sa buhay ng lahat. Kaya ngayong nahaharap tayo sa isang pandemya at nalilimitahan ang ating interaksyon sa ibang tao, kumusta ka, kadambana? Halina’t sabay nating muling pagnilayan ang homiliya.

Nang dahil sa pagmamadali ni Maria sa pagtungo sa kanyang pinsan nang malaman ang pagdadalang-tao nito ay nalaman nating siya ay mayroong compassionate heart. Ang compassion ay higit pa sa pagbabahagi at pagbibigay, ito ay binubuo ng tatlong spiritual exercises ayon kay Pope Francis.

1. Listening Heart

Si Maria at Elizabeth ay parehong marunong makinig sa kalooban ng Panginoon. At gano’n na lamang ang kasiyahan ni Elizabeth sa pagdalaw ni Maria, gayundin ang batang nasa sinapupunan niyang naglulundag pa sa tuwa. Mahalaga ang listening heart dahil ultimo ang iyong presensyang tinatawag na apostolate of presence ay napakahalaga sa ibang tao. Tulad na lamang ngayong nasasangkot tayo sa pandemya, marami sa ating mga kaibigan ang nahaharap sa iba’t ibang problema. Tayo ay nararapat lamang na magkaroon ng listening heart, nang sa gayon ay mapakinggan natin ang kanilang saloobin. Ang simpleng aksyong ito ay maaaring magdulot sa kanila ng kasiyahan o leap of joy.

2. Ability to Help

Si Maria ay dumalaw sa kanyang pinsan upang tumulong sa pagbubuntis nito. Dahil sa kanyang kakayahang tumulong, si Elizabeth na may edad na noon, ay kanyang sinamahan hanggang sa maipanganak nito ang sanggol na si Juan. Nararapat lamang na sa ating pagdalaw ay mayroon tayong kagustuhan at kakayahang tumulong sa kanila. Ito ay naaangkop sa panahon ngayon dahil marami ang nakararanas ng kalungkutan at depresyon nang dahil sa limitadong social interaction dulot ng pandemya. Sa mga piling panahon at sa tulong ng tamang pagsunod sa mga health protocols, tayo ay makatutulong sa kalagayan ng kanilang isip sa pamamagitan ng pagdalaw sa kanila at pagpaparamdam na tayo ay handang damayan sila sa anumang problemang kanilang kinakaharap.

3. Concrete Action

Si Maria ay hindi lamang naawa sa kalagayan ng kanyang pinsan, siya ay naglakbay sa layong 115 kilometro upang puntahan ito. Hindi sapat ang sabihing “Kawawa naman siya,” upang masabing ikaw ay compassionate. Dapat ay marunong kang kumilos. Sa iyong mga kaibigang naghihirap, kung ikaw ay tunay na handang tumulong, dapat ikaw ay kumilos. Hindi maaaring ikaw ay mahabag sa isang tao nang walang ginagawa upang tulungan ito. Ang simpleng pangungumusta at pakikinig sa sasabihin nito nang walang panghuhusga ay sapat na upang maglahad ng kamay at makatulong sa kanilang kinahaharap o suliranin.

Mga kadambana, upang masabing tayo ay tunay na nahahabag o may compassionate heart, dapat tayo ay may listening heart, ability to help, at concrete action. Ngayong limitado ang ating mga maaaring gawin at napakaraming paghihirap ang ating naranasan dulot ng COVID-19 at mga sakuna, marapat lamang na tayo ay magkaroon ng pusong handang makinig, tumulong, at umaksyon.

Naririto rin ang mahal na birheng Maria, gayundin ang Panginoong ating Diyos, upang ating hingian ng tulong sa panahong tayo ay walang matakbuhan.

Nawa’y magkaroon tayong lahat ng maliligayang araw mula ngayon hanggang sa nalalapit na Kapaskuhan. (Jazlene Jimenez) 

 

 

Social Media Comments