Manumbalik tayo sa Panginoon sa pamamagitan ng pagdarasal at paggawa ng kabutihan sapagkat ang layunin natin bilang tao ay ang makapiling ang Diyos hanggang sa dulo ng walang hanggan.
May kanya-kanya tayong pangarap sa buhay. Maaaring magkaiba-iba dahil sa ating edad o sa ating pansariling interes. Ang mga bata, pangarap lang nilang magkaroon ng napakaraming laruan o kaya nama’y maging doktor, abogado, dentista, at iba pa na magiging pundasyon ng kanilang pag-aaral. Ang karamihan sa kabataan, hinihiling ang magkaroon ng mga bagong gadgets. Sa mga matatanda naman, pangarap nilang matupad ang pangarap ng kanilang mga anak at apo. Ang karaniwang pangarap ng mga tao ay ang kayamanan at katanyagan. Ngunit kadalasan ay hindi natutupad ang mga pangarap nating ito. “Maybe we just dreamed too little,” ito ang dahilang ibinigay ni Reberendo Padre Jose Miguel Tan sa kaniyang homiliya sa ikapitong Misa De Gallo patungkol sa kung bakit may mga pangarap tayong hindi nabibigyang katuparan.
Iba ang pangarap natin sa pangarap ng Diyos para sa atin. Mga materyal na posesyon ang karaniwan nating hiling – mga bagay na pansamantala lamang tayong pasasayahin, mga bagay na hindi madadala sa langit. Ngunit ang Diyos ay may pangarap na sobrang taas para sa atin – pangarap na matatawag nating panghabambuhay, pangarap na lalasapin natin sa kabilang buhay, at pangarap na pupuno sa ating misyon at layunin bilang tao na anak ng Diyos – ang makapunta sa langit. Nararapat lamang tayong maghanda’t mamuhunan sa dakilang hangarin ng ating Panginoon at ito’y sa pamamagitan ng pasasalamat na maisasabuhay sa pagbabalik loob sa Panginoon, pananalangin, regular na pagsisimba, pangungumpisal, pagpapatawad, pagtutuwid ng kamalian, pagkakaroon ng integridad na gumawa ng tama sa lahat ng pagkakataon, at paggawa ng kabutihan sa kapwa.
Ngayong Pasko, ipinaaalala sa atin ni Maria na tayo’y mangarap nang matayog, maging hangarin ang pagpunta sa langit na kung saan mabibigyang saysay ang layunin ng tao, at ito ay ang makapiling ang Diyos na Siyang dahilan ng ating buhay. Pangarapin din natin ang pangarap ng Diyos para sa atin dahil ang tunay na misyon at tungkulin ay ang bumalik sa Kaniya. Wala Siyang hinahangad na ikasasama natin. Ganito tayo kamahal ng Diyos na sa kabila ng ating pagiging makasarili, pagdadamot, pagkakait ng buhay sa ating kapwa, wala Siyang ibang hiniling kundi ang makapiling pa rin tayo sa dulo na walang hanggan.