Isang araw na lang ay muli nanaman nating ipagdiriwang ang kapanganakan ng ating Panginoong HesuKristo. Ang kapaskuhan ngayong taon ay ipagdiriwang natin sa gitna ng pandemya kung kaya’t mas maganda nang nasa loob na lang tayo ng ating tahanan upang maiwasan ang pagkalat ng sakit sa iba.

Karamihan sa mga kabataan ay hindi na alam kung ano ang saysay kung bakit natin ipinagdiriwang ang kapaskuhan. Bakit nga ba? Dahil ba ito sa mga regalo na nakukuha natin? Dahil ba ito kay Santa Claus?

Maraming kabataan ang nag-aasam ng magaganda at galanteng regalo ngayong kapaskuhan. Nandyan ang mga laruan, mga kasuotan at pati na rin ang pera. Tuwing pasko ay mas naalala pa nila ang pagdating ni Santa Claus na gawang kathang-isip lamang kaysa sa pagdating ng ating Panginoong HesuKristo na siyang totoong Diyos na nagkatawang tao at tunay na dahilan ng kapaskuhan.

Ang tunay at ang pinaka magandang regalo sa atin ngayong kapaskuhan ay ang pagsilang kay  HesuKristo na nag-iisang Diyos na nagkatawang tao upang tubusin ang ating mga kasalanan. Ginawa niya iyon upang patunayan niya sa atin ang kanyang pagmamahal dahil gusto niya tayong makasama sa langit.

Ayon nga sa ebanghelyo ni San Lucas ngayong araw, si Zacarias ay nagbigay puri sa Panginoon at kanyang sinabi:

“Purihin ang Panginoong Diyos ng Israel! Sapagkat nilingap niya at pinalaya ang kanyang bayan, at nagpadala siya sa atin ng isang makapangyarihang Tagapagligtas, mula sa lipi ni David na kanyang lingkod. Ipinangako niya sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta noong una na ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway at sa kamay ng lahat ng napopoot sa atin.”

Ang diwa ng kapaskuhan ay hindi lamang sa pagbibigayan ng mga regalo.  Ang tunay na diwa ng kapaskuhan ay tungkol sa pagmamahalan at pagpapakumbaba ng mga tao sa kapwa. Nawa’y maging masaya at makabuluhan ang ating kapaskuhan ngayong taon.

 

 

Social Media Comments