Ipinagdiriwang ang Solemnity of the Epiphany of the Lord o kilala sa tagalog bilang Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon. Ito ay tuwing Linggo sa pagitan ng Enero 2 at 8. Ito ay galing sa salitang Griyegong “epiphainen” na nangangahulugang “to shine upon”, “to manifest” o “to make known”.
Kinikilala si Hesus sa kaniyang pagpapakita.
Tinatawag din ang araw na ito bilang “Three Kings Day” o “Araw ng Tatlong Hari”. Nangyayari ito sa pag-alala sa tatlong hari na sina Melchor, Gaspar at Baltazar na representasyon ng lahat ng paganong bansa. Sila’y naglakbay mula pa sa Silangan para hanapin ang Hari ng mga Hudyo, ang Mesiyas, upang ito’y sambahin.
Nauna silang dumaan kay Haring Herodes upang magtanong kung alam ba nito ang lugar ng kapanganakan ng bagong silang na hari. Nagulat si Herodes nang malaman na ang Mesiyas ay isinilang na at nangangahulugang may papalit na sa kaniyang posisyon. Ganoon din ang naging reaksyon ng mga tao sa bayang Herusalem.
Nagtanong sila sa mga sasardote at eskriba na nag-aaral ng salita ng Diyos noong panahong iyon dahil hindi rin alam ni Haring Herodes ang kasagutan. Sinabi nilang sa Betlehem ng Juda matatagpuan ang sanggol. Hindi na sumama si Haring Herodes sa paghahanap. Bagkus, siya’y nag-utos sa tatlong mago na ipagpatuloy ang kanilang paglalakbay at sa oras na ito’y kanilang matagpuan, babalik sila upang ipagbigay alam ito sa kaniya at siya naman ang sasamba.
Lumitaw ang tala na naging gabay ng tatlong hari sa kanilang paglalakbay patungo sa lugar ng kapanganakan ni Hesus. Marami man ang lumitaw sa kalangitan, nasundan pa rin ng tatlong haring mago ang tala ng Diyos dahil sa nararamdamang pamilyaridad. Nang matagpuan, hinandugan nila ito ng regalong ginto, kamanyag, at mira. Nagalak ang kanilang mga puso at kanila itong sinamba agad at ipinalalim ang kanilang pananampalataya.
Hindi na bumalik ang tatlong hari kay Haring Herodes dahil ito ang utos ng Diyos na siyang nagpakita sa kanilang mga panaginip.
Ang kulay ng tatlong mago ay puti, kayumanggi at itim na nagrerepresenta naman sa lahat ng tao sa sanlibutan. Ito ay nangangahulugang si Hesus ay nagpakita na sa lahat ng tao. Nauna nang nagpakita ang Panginoon sa mga pastol. Ito’y nagrerepresenta sa mga tao sa Israel.
Isinasagawa ang kapistahan na ito sa Pilipinas sa pagkakaroon ng misa kung saan ang homilya ay nakatuon sa nasabing selebrasyon. Nakikilala rin ito sa pamamagitan ng pagkakaroon ng parada ng tatlong lalaki na isinasabuhay ang paglalakbay ng tatlong hari, sa kalsada, na nakasuot ng maharlikang damit, nakasakay sa kabayo at nagbibigay ng regalo sa mga batang kanilang nadadaanan. Ito ay karaniwang nangyayari sa Bulacan, Laguna at Manila.
Ito ay panahon ng pagbibigay, pagbisita at pagbibigay regalo para sa mga Pilipino. Karaniwang isang buong araw lamang tumatagal ang selebrasyon na ito. Maging tanda sana ang Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon sa atin na kilalanin si Hesus bilang Mesiyas.
Nararapat na siya’y patuluyin sa ating mga buhay na isinasaisip at isinasapuso ang kaniyang mga aral na magiging daan para tayo’y maging pamilyar tulad ng ipinakita ng tatlong mago.
Hanapin siya sa araw-araw at ibahagi natin ang ating sarili sa kaniya. Huwag tularan ang mga tao noon sa Herusalem na hindi siya hinanap gayong malapit lang naman ang lugar ng kapanganakan ng sanggol na si Hesus sa kanilang tahanan.
Kadalasan, sa pag-iisip na ang Diyos ang laging lalapit sa atin, nakalilimutan na nating gumawa ng hakbang para tayo ang mapalapit sa kaniya.
Magpakumbaba at lumuhod sa harap niya at sundin ang liwanag ng tala ng Diyos katulad ng ginawa ng mga hari upang mapalapit pa lalo sa kaniya at magkaroon ng liwanag ang daang tinatahak natin sa buhay.
Maging bukas sa pagbabago sa sandaling malaman ang plano ng Panginoon para sa atin. Laging hanapin ang kaniyang liwanag at huwag masilaw sa ningning na ipinapakita ng mga bagay na hindi permanente sa ating buhay.
Sa pagpasok at pagsalubong natin sa panibagong taon, makiisa sa dakilang kapistahan na ito at kilalanin siya’t parangalan sa kaniyang pagpapakita.