Photo Courtesy of learnreligions.com

Ngayong araw ay ipinagdiriwang natin ang pagbibinyag ni San Juan Bautista sa Panginoong HesuKristo. Ang binyag ay kabilang sa pitong sakramento ng mga Katoliko. Ito ang pinakauna at ang pinakaimportante matatanggap ng isang Katoliko sa lahat ng mga sakramento.

Habang sanggol pa lamang tayo, nararapat na pabinyagan na tayo ng ating mga magulang sa lalong mabilis na panahon. Ginagawa ang sakramento ng binyag upang malinis ang kasalanang namana natin kina Eba’t Adan at para na rin makilala tayo bilang Kristyano.

Ayon sa ebanghelyo ngayong araw, sinabi ni San Juan Bautista:

“Darating na kasunod ko ang isang makapangyarihan kaysa sa akin: ni hindi ako karapat-dapat magkalag ng tali ng kanyang mga panyapak. Binibinyagan ko kayo sa tubig, ngunit bibinyagan niya kayo sa Espiritu Santo.”

Inihahanda na niya ang mga tao sa pagdating ni Hesus. Marami ang nagtatanong sa kanya kung siya ba ang Mesiyas, ngunit ito’y itinatanggi niya. Dahil alam niya na si Hesus ang Mesiyas at ang bugtong na anak ng Diyos na magliligtas sa ating lahat.

Alam ni San Juan Bautista na hindi na niya dapat binyagan si Hesus kundi bagkus siya ang dapat binyagan ng Panginoon. Ngunit pinili ni Hesus magpabinyag upang ipakita ang kanyang pagpapakumbaba sa mga tao kahit na siya ay Diyos. Pagkaahon ni Hesus mula sa tubig ay humawi ang mga ulap sa langit at bumaba ang Diyos sa anyong kalapati at ito’y dumapo sa kanya. Isang tinig mula sa langit ang sinambit ng Diyos, Ikaw ang minamahal kong Anak, lubos kitang kinalulugdan.”

Ayon sa “liturgical calendar” ng simbahan, ang pagbibinyag kay HesuKristo ang huling araw ng pasko. Dapat tayong dumalo sa misa dahil ito’y araw ng pangilin.

Tulad ni San Juan Bautista, nawa’y tayo ay maging Kristyano na naghuhudyat na ang Panginoon ay kasama natin. Bigyan natin ng daan ang Panginoon sa kanyang pagbalik.

 

Social Media Comments