Ang pagdiriwang ng Semana Santa ngayon ay malayo na sa nakagawian sa nagdaang mga taon. Sa patuloy na pagdami ng kaso ng COVID-19, ginawang limitado ang paggalaw ng mga tao sa iba’t ibang lugar sa bansa. May ilang mga nakaugaliang tradisyon ang hindi na muna maisasagawa bilang pagsunod sa mga safety health protocols. Gaano ba kalaki ang epekto ng pandemya sa paggunita at pag-alala natin sa sakripisyo, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus?
Sa kabila ng limitadong paggalaw, magagawa pa rin ang pag-aayuno, pagdarasal at panunuod ng misa via online sa ating mga tahanan.
Hindi lamang sa mga nakaugaliang tradisyon gaya ng prusisyon, senakulo, pabasa at mga iba pa nasusukat ang nasabing pangyayari. Masusukat ito sa kung paano natin titignan ang mga araw nang may malakas na pananampalataya sa Kaniya at pagmamahal sa kapwa.
Nararapat na tayo’y lumapit sa Diyos at manalangin nang taimtim, aminin ang mga kasalanan at gumawa ng mabuti sa kapwa. Ngayong mayroon tayong kinakaharap na krisis, higit na kailangan ang pananaig ng pananampalataya at pagmamahal.
Ang Mahal na Araw ay hindi nakasentro sa mga tradisyon lamang. Mahalaga ito pero hindi dapat natatapos dito ang lahat. Mayroon mas malaking imahe ang Semana Santa at iyon ay matutuklasan natin sa ating mga puso. Ito ay dapat na nakasentro sa pagninilay, pagdarasal at pagsasabuhay ng mga natutunang aral nang may pagmamahal. Sa ganitong pamamaraan, masasabi natin na tayo’y nagsasagawa ng tunay na pagdiriwang.