Ngayong araw, ikalawang linggo ng pasko ng muling pagkabuhay ng Panginoon, ipinagdiriwang natin ang kapistahan ng Dakilang Awa ng Diyos o sa ibang katawagan ay ang Banal na Awa ng Diyos.

Taong 1930’s, ang Panginoong Hesus ay nagpakita kay Santa Faustina. Ipinikita ng Diyos ang kanyang sarili bilang “Hari ng Banal na Awa” na nakasuot ng puting damit habang may sinag na pula at puting kulay na nagmumula sa kanyang puso. Ang dalawang sinag na nagmula sa puso ng Panginoon ay may simbolo: ang kulay pula ay sumisimbolo sa banal na dugo at ang puting kulay naman ay ang banal na tubig na nagmula sa Panginoon.

Nang magpakita ang Panginoon kay Santa Faustina, iniutos nito na ipinta niya ang kanyang nakita at isulat sa baba ang katagang “Hesus, ako ay nananalig sa Iyo”. Ito ang simula ng isang makapangyarihang debosyon ng mga tao sa “Banal na Awa ng Diyos”. Sa taong 2000, opisyal na itinatag ni Santo Papa Juan Pablo II ang kapistahan ng “Banal na Awa ng Diyos” sa tuwing ikalawang linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon, kasabay naman nito ay ang pagtalaga niya kay Santa Faustina bilang isang santo.

Ayon nga kay Bro. Alfie Angeles, ang banal na awa ng Panginoon ang huling paraan ng mga tao para mapalapit sa kanya. Sabi nga sa isang dasal, ang awa ng Panginoon ay isang karagatan ng awa. Minsan ang awa kapag naghari, pati batas ay nababali. Kung maghahari ang awa ng Diyos, walang pwedeng tumutol. Sabi sa biblia, kapag tayo ay kinaawaan ng Diyos, tayo ay mapapalad na nilalang. Kung kaya, tayo ay mga mapapalad na nilalang dahil kahit na tayo ay makasalanan at hindi dapat kaawaan, kinaawaan pa rin tayo ng Diyos at siya ay namatay para sa atin. Hindi lahat ng awa ay banal, halimbawa na lamang ang “euthanasia”. Ang banal na awa ng Diyos ay nagliligtas.

Katulad ni Hesus, tayo nawa ay magkaroon ng awa sa ating kapwa. Kung maghahari ang awa sa atin, tayo ay magkakaunawaan at magkakasundo. Inaanyayahan tayo ng Diyos na piliin natin siya na sumama sa kanyang banal na buhay. Tayo ay maniwala sa kanyang mga naihayag na katotohanan at magtiwala sa kanya. Nawa tayong lahat ay magmalasakit at magpatawad ng ating kapwa gaya ng kanyang ginawa.

“Hesus, ako ay nananalig sa Iyo.”

Ang Kapistahan ng Banal na Awa ng Diyos ay ipagdiriwang sa pamamagitan ng banal na misa. Ngunit dahil sa pinatupad na Enhance Community Quarantine (ECQ) sa ating bayan ay hindi na muna pwedeng pumasok sa loob ng simbahan ang mga magsisimba. Sa halip, ang simbahan ay magkakaroon ng “online mass” upang maghatid ng misa sa mga tao sa kanilang mga bahay.

Narito ang mga oras ng misa sa ating parokya:

9:00 am (LIVE)

4:00 pm (LIVE)

 

 

Social Media Comments