​Photo from Camillian Vocation PH

Ngayong ika-apat na linggo ng pasko ng muling pagkabuhay ng Panginoon, ipinagdiriwang natin ang Linggo ng Mabuting Pastol. Ipinagdiriwang din natin ngayong araw ang Pandaigdigang Panalangin para sa Bokasyon.

Ang bokasyon ay pagiging bukas mula sa kalooban ng Diyos. Hindi natin dapat isinasara ang ating sarili mula sa Diyos sa kung ano man ang pwedeng mangyari. Kung kaya’t, ngayong araw ay hinihikayat tayong maging isang mabuting pastol, hindi lamang ang mga pari, kundi tayong mga simpleng tao rin.

Ayon kay Bro. Jeremy Josef, isang seminarista mula sa Immaculate Conception Major Seminary, maraming uri ng bokasyon na pinagkakaloob ang Diyos sa atin. Kung tayo ay tinawag sa buhay may-asawa, maaari tayong maging isang mabuting pastol sa ating pamilya. Kung tayo naman ay pinagkalooban ng Diyos na maging mapag-isa sa buhay, tinawag tayo upang maging isang mabuting pastol sa pamayanan. At kung tayo ay tinawag sa buhay pagpapari at pagmamadre, dapat nating gayahin si Kristo na siya ring mabuting pastol. Kung ating maalala ang istorya ng paglikha ng Diyos sa mundo, tayong mga tao ay nilikha ng Diyos ayon sa kanyang wangis. Samakatuwid, kung si Kristo mismo ay isang mabuting pastol, nararapat lang din na tayo ay maging katulad niya.

Ngayong taon ay ipinagdiriwang natin ang taon ni San Jose. Bukod kay Hesus, isa rin sa mabuting halimbawa ng mabuting pastol si San Jose. Sa buhay ni San Jose, pwede niyang piliin na iwan si Maria noong nalaman niyang nagdadalang tao ito. Ngunit naging bukas siya sa kalooban ng Diyos. Tumugon siya sa tawag ng Diyos upang maging taga pangalaga ni Maria at maging ama ni Hesus.

Katulad ni San Jose, nararapat na tayo ay tumugon sa kung ano man ang kalooban sa atin ng Diyos. Hayaan natin na ang Diyos ang kumilos para sa atin upang tayo ay maging isang mabuting pastol.

Sabay-sabay tayong manalangin sa Diyos para sa ating bokasyon:

PANALANGIN PARA SA BOKASYON

Ama naming makapangyarihan,

isinugo mo ang iyong bugtong na Anak

upang tubusin kami sa kasalanan

at ipalaganap ang iyong paghahari sa lupa.

Padaluyin mo ang iyong biyaya sa aming mga puso

upang maganap namin ang pangunahing bokasyon

na maging banal at kalugod-lugod sa iyong paningin,

at maging mga saksi

ng iyong walang maliw na pag-ibig.

Umusbong nawa sa aming Simbahan

ang mga bokasyon ng pagtatalaga at paglilingkod.

Pagpalain mo itong aming parokya

at ang aming diocesis

ng mas marami pang kabataan

na tutugon sa iyong tawag upang maglingkod

bilang mga pari, relihiyoso at relihiyosa.

Magpadala ka pa ng mga hinirang

na mangunguna sa amin

sa pagsamba sa Iyo at paglilingkod sa kapwa.

Maging bukas nawa ang kanilang puso

sa Iyong banal na tawag

nang makasunod sila sa iyo

ng may pag-ibig at kagalakan.

Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Hesukristo

kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

AMEN.

(Panalangin mula sa www.saintjosephbangad.blogspot.com)

(Feature Image from www.saisapangsulyap.blogspot.com)

 

 

Social Media Comments