Mula noon hanggang ngayon, malaki ang ginagampanang parte ng bawat ina sa buhay ng kani-kanilang mga anak. Mula sa pagbubuntis, pagsilang at hanggang sa lumaki ang supling, lubos na pag-aalaga at pagmamahal ang kanilang inaalay para rito. Sa bawat araw na sila’y nakakasama, walang iniisip ang isang ina kung hindi ang kabutihan at kinabukasan ng kaniyang anak.Kaakibat ng tagumpay ng bawat isa sa atin ay ang walang patid na pagmamahal at walang pag-aalinlangang sakripisyo ng ating mga ina. May kakaiba talagang hiwaga sa pagmamahal ni Nanay.
Ang Araw ng mga Nanay ay ipagdiriwang ngayong ika-9 ng Mayo sa taong ito. Kung ating babalikan ang kasaysayan ng selebrasyon, mahihinuha na ito ay orihinal na ginugunita sa buwan ng Disyembre magmula pa noong taong 1920. Ngunit dahil sa impluwensya ng mga Amerikano, ipinag-utos ni dating Pangulong Cory Aquino na gunitain ang selebrasyon tuwing ikalawang linggo ng buwan ng Mayo. Ganun pa man, walang pinipiling panahon ang hiwagang dala ng pagmamahal ng isang ina. Minu-minuto, oras-oras niya itong pinadarama sa atin nang buong-puso.
Siya ang matiyagang nagdala sa atin ng mahigit siyam na buwan sa kaniyang sinapupunan. Kahit hindi pa nakikita ang ating kabuuan, todo na siya kung sa ati’y mag-alaga. Makikita natin ito sa kaniyang bawat pag-iingat dahil sa takot na baka tayo ay masaktan. Sa pagsilang ng supling, may kakaibang tuwa na mapapansin sa kaniyang nagniningning na mga mata. Kahit na minsa’y pagod at puyat ang dala ng umiiyak na bata, bakas pa rin ang ligaya sa kaniyang mukha. Siya ang nagturo sa atin kung paano tumayo, magbasa, magsalita at makipagsalamuha sa iba. Siya ang naging daan upang malaman natin ang mga bagay-bagay na mahalaga sa ating buhay.
Saksi ang mga nanay sa ating pagtawa at pag-iyak. Kasama natin siya sa bawat tagumpay at paghihirap. Nahahanap natin ang kaligtasan sa kaniyang mga bisig. May lunas sa kaniyang mga haplos. Ang kaniyang tinig ay tila uyayi para sa atin magmula umaga hanggang gabi na nagdudulot ng kalmadong pakiramdam. Hindi mapapantayan ng tsokolate at bulaklak ang hiwagang dala ng kaniyang pag-ibig. Ngunit para sa iba, marinig lamang ang salitang “Salamat” mula sa mga anak ay kumpleto at masaya na.
Para sa mga Ina, Nanay, Mama, Mommy at sa mga iba pang taong tumatayong ilaw ng tahanan, ang hiwaga ng inyong pag-ibig ay ang nagpapaningning sa inyong kabuuan. Ang mga pangarap at pag-ibig ay aming nakamtan dahil sa inyong pagsisikap. Tunay na ang pag-aalaga ng isang ina ay walang kapantay at punong-puno ng iba’t ibang hiwaga.