Easter Sunday 2022

Bilang mga Katolikong Pilipino, malaki ang pagbibigay halaga natin sa mga tradisyong kalakip ng paggunita natin ng Kuwaresma. Magmula sa pagpapahid ng Abo sa noo, panonood ng Senakulo, pagdalo sa mga Visita Iglesia hanggang sa pagsama sa mga prusisyon, makikita ang sigasig ng bawat isa na makilahok sa mga aktibidad na ito. Ganito ang madalas na tagpo na nakikita natin sa tuwing sinasariwa natin ang Pagpapakasakit, Pagkamatay at Muling Pagkubahay ng ating Panginoong Hesukristo.

Gayunpaman, marami sa tradisyong ito ang natigil noong tumama ang COVID-19 Pandemic sa ating bansa. Sa mahigit dalawang taon ng krisis na ito, limitado lamang ang mga ritong isinasagawa ng simbahan sa paggunita ng mga Mahal na Araw- bilang pagsunod sa mga paghihigpit na ipinatutupad ng ating pamahalaan. Dahil dito, ang mga mananampalataya ay nananatili lamang sa kani-kanilang tahanan at nakatutok sa live streaming ng mga misa upang pagbulayan ang Mabuting Balita ng ating Panginoon.

Ngayon, kung wala ang mga tradisyong ito, paano na natin gugunitain ang mga Mahal na Araw?

Maraming paraan upang matagumpay nating maipagdiwang ang mga mahahalagang araw ngayong Semana Santa.

Una ay sa pamamagitan ng pagtitika sa ating mga nagawang kasalanan.  Dito ay humihingi tayo ng awa mula sa ating Panginoon na sa kabila ng ating mga pagkukulang ay mapatawad niya tayo sa ating mga kasalanan.

Pangalawa ay sa pamamagitan ng pagbibigay tulong sa mga kapatid nating nangangailangan. Sa pagkakataong ito, tayo ay hinihikayat na magbahagi ng ating mga natatangap na grasya mula sa Diyos sa mga kapatid nating kapus-palad upang maipadama sa kanila ang kalinga ng ating Panginoon.

Pangatlo at panghuli ay sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay sa Mabuting Balita ng Diyos. Ito ang pinakamainam na paraan upang ating maunawaan ang Dakilang Sakripisyo ng ating Panginoong Hesukristo.

Sa pagtatapos ng panahon ng Kuwaresma, atin nawang alalahanin na bagamat mahalaga na pangalagaan natin ang ating tradisyon, marapat din nating bigyang pansin ang tunay na dahilan kung bakit natin isinasagawa ito-ang paigtingin ang ating pananampalataya sa ating Panginoon.

 

 

Social Media Comments