Christmas 2022

Nagbabasa ka ba ng bibliya? Isinasaisip at isinasabuhay mo ba ang mga aral na kalakip nito?

Ngayong araw, ipinagdiriwang sa Pilipinas ang National Bible Sunday. Ang paggunita na ito ay nagsimula sa pamamagitan ng Proklamasyon Blg. 124 na pinirmahan ng dating pangulo na si Rodrigo Duterte noong 2017. Sa ilalim ng proklamasyon, idineklara ang buwan ng Enero bilang National Bible Month at ang huling araw ng linggo sa buwan ng Enero bilang National Bible Sunday. Kinikilala ng mga pagdiriwang na ito ang kahalagahan ng bibliya sa paghubog ng moral at espiritwal na pagkatao ng mga Pilipino. Para maigunita ang National Bible Month at National Bible Sunday, nagsasagawa ang simbahang Katolika at mga grupo ng iba’t ibang mga aktibidades tulad ng pagbabasa ng bibliya, pamamahagi ng mga ito at pagkakaroon ng mga paligsahan tungkol dito.

Ang pagbabasa ng bibliya ay mahalaga na maging isang kagawian. Importante ring maintindihan ang mga aral na kalakip nito. Ito ay isa sa mga maraming paraan na maaaring gawin ng mga tao para mas mapatibay pa ang relasyon sa Panginoon. Nararapat na tayo’y magnilay sa bawat mensaheng ipinararating nito.

Ang bibliya na siyang librong tumatalakay sa buhay ng Panginoon ay dapat na maging sentro ng buhay ng mga tao. Ang mga salita dito ay dapat na hindi lamang basta manatili sa mga sulatin. Dapat na makita ang repleksyon nito sa araw-araw na sinasabi at ginagawa ng mga tao. Ang mga pagdiriwang gaya ng National Bible Month at National Bible Sunday ay nakatutulong para mas mabigyan ng importansya ang bibliya. Ngunit mahalaga na hindi lamang sa mga okasyon na ito natin makita ang kahalagahan ng bibliya. Gawing mas makabuluhan ang pagbabasa nito sa pamamagitan ng paggamit nito bilang gabay sa mga desisyon at gawain sa araw-araw na pamumuhay.

 

 

Social Media Comments