San Mateo, Rizal – Nagkaroon ng mga serye ng ritwal ng pagluklok at pagpupugay sa Banal na Kasulatan simula nuong nakaraang Enero 23 bilang paggunita sa National Bible Week. Ang pagluluklok sa Banal na Kasulatan ay napapaloob sa kaugalian ng ating Banal na Simbahan. Sa bawat konseho at mga pagpupulong ng Inang Simbahan sinisimulan ito sa pagmamagitan ng Ritual na ito. Sa Ikalawang Konsilyo Vaticano o 2nd Vatican Council ang bawat araw ng pagpupulong ay sinisimulan sa paluklok ng Banal na Kasulatan. Ito ay ginagawa upang ipaalaala sa mga dumadalong Obispo na ang Panginoon JesusKristo ay nasa kanilang piling sa pamamagitan ng kanyang Banal na Kasulatan. Upang maging mabisang tagapagpahayag ng Panginoon kinakailangan muna nilang makinig sa kanyang Salita.
Ang Panginoong Hesukristo ay napapasapiling ng Sambayanan sa pamamagitan ng Salita sa loob ng Banal na Kasulatan at sa mga Sakaramento. Kaya’t gayun na lamang ang ipinakikitang paggalang sa Banal na Kasulatan upang ipakilala natin na ito ang nagbibigay sigla at kahulugan sa ating Buhay Kristiyano. Ang Biblia ang siyang bukal ng inspirasyon at gabay sa ating buhay.
Ang Pagluklok sa Biblia ay pagpapahayag ng ating pagkilala sa kahalagahan ng Banal na Kasulatan sa ating buhay. At kapag sinimulan ang anumang gawain sa pamamagitan ng pagluklok sa Banal na Kasulatan inaanyayahan natin ang Panginoon na maging kalahok sa nasabing gawain. Maging ang Pagluluklok ng Biblia sa ating tahanan at maging sa ating pagawaan (workplace) atin ring inaanyayahan na maging kapiling natin ang Panginoong Jesus sa ating gawain araw-araw.