Ngayon ay Linggo ng Palaspas at inihahanda tayo ng ating mga pagbasa at Mabuting Balita sa papalapit na paggunita natin sa pagpapakasakit, kamatayan, at muling pagkabuhay ng ating Panginoon.
Ang totoo, dati na namang labas-pasok si Hesus sa Jerusalem pero bilang isang pangkaraniwang Hudyo. Hindi pa siya nakikilala ng mga tao. Subalit sa araw na ito, ating ginugunita ang maringal na pagpasok ni Hesus sa Lungsod ng Jerusalem. May mga hawak din silang palaspas noon, nagpupuri at nagbibigay-pugay sa pagdating hi Hesus sa Jerusalem habang sumisigaw ng, “Purihin ang anak ni David!” Subalit paglipas lamang ng ilang araw, ang palaspas ding ito ang gagamitin ng mga tao upang hampas sa mukha ni Hesus. Hindi na papuri ang kanilang isinigaw kundi, “Kamatayan!” at “Ipako siya sa krus!” Anong nangyari? Bakit nagkaganito?
Bigo ang mga Hudyo kay Hesus. Ayon sa mga Hudyo, sinayang lamang daw ni Hesus ang kanyang kapangyarihan at galing. Sa kanyang husay magsalita, sa kanyang kapangyarihang gumawa ng himala, sa kanyang pagbuhay sa mga patay, sa kanyang pagpapasunod sa hangin at dagat, pwedeng-pwede na sana siyang maging isang makapangyarihang hari, isang “Haring Mandirigma” katulad ni Haring David. Buo na sana ang kanilang paniniwala kay Hesus bilang Mesiyas na matagal na nilang hinihintay. Kaso, hindi maintindihan ng mga Hudyo na kung nagawa niyang tulungan ang maraming tao, bakit hindi niya iniligtas ang kanyang sarili sa kamay ng kanyang mga kaaway? Bakit hindi siya maging isang “Haring Mandirigma” katulad ni Haring David? Hindi nila kayang tanggapin ang isang mahinang Mesiyas, isang Mesiyas na mamamatay lamang sa krus. Sayang!
Mga kapatid, maraming pagkakataong tila bingo din tayo ng Panginoon. Marami kasi sa ating mga tao, hindi matanggap na hinubad ni Hesus ang kanyang pagka-Diyos nang siya’y nagkatawang-tao, nang naranasan niya maging ang kamatayan. Malimit, ang gusto natin ay isang “Kristong palaban.” Sa ating lohika’t pag-iisip, ayaw nating mapailalim kaninuman. Kaya nahihirapan tayong ituring si Hesus bilang Panginoon. Ayaw natin ng kamatayan, literal man o metaporikal.
Ngunit, hindi ganito tumakbo ang karunungan at pag-ibig ng ating Diyos. “To love is to die for your beloved. That is the ‘essence of loving.'” Nakalimutan na natin ang sabi ni Hesus, “Sinumang nais maging alagad ko, kailangang limutin niya ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus araw-araw, at sumunod sa akin.” To follow the Lord carrying our own cross is really an invitation to die with him.
Kapatid, nais mo bang makarating sa langit? The only way to Heaven is by dying to oneself, by dying on the cross with Jesus. Ito ang tanging daan. Atin nawa itong mapagtanto sa susunod na mga mahal na araw. (Rev. Fr. Ric Eguia)