Pagsilbihan ang sambayanan.
Bukod sa mga payong mag-aral nang mabuti at alagaan ang sarili, isa ang linyang, “Pagsilbihan ang sambayanan,” sa mga linyang lagi kong naririnig magmula nang pumasok sa kolehiyo. Naiintindihan ko ang pagiging madalas na pagsasabi ng mga tao sa paligid ko ng linyang ito sa kadahilanang taumbayan ang pinagkakautangan namin ng aming pag-aaral at sinasabing mababayaran lamang ang pagkakautang na ito sa pagsisilbi. Noong una, pagkalito ang naging reaksyon ko sa linya. Alam kong nararapat na magsilbi sa bayan ngunit may kalabuan para sa akin kung ano ang mga hakbang na dapat kong gawin para maisakatuparan ang tungkuling ito. Kinalaunan, naintindihan ko na ang kahulugan nito at ang rason kung bakit noong una ay naging mahirap para sa akin na alamin ito. Siguro ay masyado akong nagpopokus agad sa mga malalaking gawain at hindi na naikokonsidera ang ibang mga maliliit na klase ng serbisyo. Ang isa sa mga naging daan para mas lalo kong maintindihan ang kahulugan ng linya ay ang pag-alam sa mga maaari kong maging inspirasyon sa pagsisilbi. Isa si Hesus sa aking tinignan. Sa pamamagitan ng pagmamahal at pagsasakripisyo na ipinakita Niya, mas nalaman ko kung paano, sa aking mumunting mga pamamaraan, maisasagawa ang pagsisilbi sa bayan.
Lahat ng serbisyong ginawa ni Hesus ay sinimulan Niya sa pagkonsidera sa mga taong nasa paligid Niya. Makapagsisilbi ang isang indibidwal kung titignan niya ang lipunan na may mga miyembro na bumubuo rito. Mahalaga na ito ang maging unang hakbang dahil hindi magagawa ng tao ang pagseserbisyo kung tanging ang sariling kalagayan lamang niya ang lagi niyang isasaisip at pangangalagaan.
Isa sa magagawa, lalo na ng mga kabataan ngayon, para makapagsilbi ay ang mag-aral. Makakakuha ang tao ng bagong kaalaman na maaari niyang maibahagi sa iba kung siya’y mag-aaral. Kaugnay nito, isang lugar din ang eskwelahan kung saan matututunan ng isang indibidwal ang nararapat na pagtingin sa kapwa, pag-intindi sa mga kalagayan nito, at ang koneksyon nito sa kasalukuyang sitwasyon ng lipunan.
Ang talento ng isang tao ay mas magiging makabuluhan kung matututunan niyang gamitin ito para makatulong sa iba. Kung may kakayahan ka sa pagsusulat, maaaring lumikha ka ng mga istorya na nagkukwento sa danas ng kapwa. Kung may talento ka sa pagkanta o pagsayaw, maaari mo itong gamitin para makapagturo sa mga taong nangangarap na mapayaman pa ang kakayahan sa larangang ito. Kung magaling ka sa sining, maaaring gumawa ng mga obra na sumasalamin sa kalagayan ng kapwa para mas makita pa sila sa lipunan at maramdaman nilang may nagrerepresenta sa kanila.
Ang pagsisilbi ay pagkatuto na tumingin sa kalagayan ng iba. At sa pagtingin sa kanila, nararapat ding simulan ang pakikipag-usap at aktibong pakikinig sa mga istorya nila. Sa ganitong pamamaraan, mas lalong magiging epektibo ang pagbibigay ng tulong dahil nalaman ng gustong tumulong kung ano ang mga kinakailangan ng kapwa.
May magagawa ang pagtulong ng isa ngunit mas maraming magagawa kung tutulong ang mga tao nang sama-sama. Magsimulang tumingin ng mga organisasyon na nakalinya sa iyong mga adbokasiya para mas maging malawak pa ang pagtulong na gagawin.
Lahat tayo ay maaaring makapagsilbi sa bayan kahit sa mga simpleng pamamaraang ating makakaya at mas epektibo itong maisasagawa kung sisimulan nating gawin ang ipinakita ni Hesus na pagkonsidera sa buhay ng iba.