Christmas 2022

Sa bawat prusisyon at pagbisita sa iba’t ibang lugar ng mahal na Birhen ng Aranzazu, laging maayos at maingat itong dinadala. Sa bawat unang siyam na araw at ikalawang Sabado ng buwan, may mga tagaabot ng mansanas at tagapamuno ng nobena sa kanya. Sa likod ng mga gawain patungkol sa Mahal na Birhen ng Aranzazu, naroon ang grupo na nag-aasikaso, nag-aalaga at nag-iingat, at higit sa lahat, nagpapalaganap ng debosyon sa kanya.

Ang Cofradía de Nuestra Señora de Aranzazu ay samahan ng mga kalalakihan at kababaihan na may edad 18 pataas na may malalim na pagmamahal at debosyon sa Mahal na Birhen Maria sa titulong Nuestra Señora de Aranzazu. Itinatag noong Pebrero 7, 1993 sa pangunguna ni Bro. Reynaldo Balcos sa paggabay ng dating Kura Paroko na si Rev. Msgr. Arnel Lagarejos. Sa kabila ng kanilang iba’t ibang pinanggalingang lugar at propesyon, iisa ang layunin ng mga miyembro, ang maibahagi ang kanilang malalim na debosyon sa ating Mahal na Patrona, ang Nuestra Señora de Aranzazu.

Ano nga ba ang isang Cofradia? Ayon sa ating batas kanoniko 298 bilang 1 at 2

In the Church there are associations distinct from institutes of consecrated life and societies of apostolic life; in these associations the Christian faithful, whether clerics, lay persons, or clerics and lay persons together, strive in a common endeavor to foster a more perfect life, to promote public worship or Christian doctrine, or to exercise other works of the apostolate such as initiatives of evangelization, works of piety or charity, and those which animate the temporal order with a Christian spirit. The Christian faithful are to join especially those associations which competent ecclesiastical authority has erected, praised, or commended.

Sa mahigit na tatlong dekada ng kanilang paglilingkod, patuloy pa rin ang kanilang apostolado at misyong pagpapalaganap ng debosyon sa ating Mahal na Patrona sa loob at labas ng ating dambana. Maaaring masabi natin na ang kanilang tagumpay sa pagpapalaganap ng debosyon ay nagbunga dahil sa dalawang koronasyon na naipagkaloob ng simbahan: Koronasyong Episkopal noong Nobyembre 9, 2013 at ang Koronasyong Kanonikal noong Mayo 31, 2017.

Lahat tayo ay tinatawag ng Diyos sa buhay-kabanalan; maraming paraan para maging banal, isa na nga dito ay ang pagsali natin sa mga iba’t ibang uri ng ministries, organizations, at iba pang mga samahan sa loob ng ating dambana. Tandaan, hindi madali ang pagsunod sa tawag ng Diyos para maging banal, marami tayong pagsubok na pagdaraanan. Ang mahalaga ay nakatuon ang ating atensyon sa Diyos sa tulong ni Maria, ang Mahal na Birhen ng Aranzazu.

Sa mga nagnanais na maging Miyembro ng Cofradia De Nuestra Señora de Aranzazu, maaring makipag-ugnayan sa ating opisina ng Parokya o kay Bro. Spencer Mathew Zuñiga, ang kasalukuyang presidente ng nasabing organisasyon. (Jeremy Josef)

 

 

Social Media Comments