Isang tanong na paulit-ulit nating iniisip, paulit-ulit nating sinasambit sa tuwing tayo ay nakararanas ng pagkabigo at pighati.
Agosto 31 noong nakaraang taon. Isa ako sa libo-libong Pilipino na nawalan ng trabaho dahil sa personal na interes ng mga nakaupo sa puwesto. Kaunti na lang sana ay mag-iisang taon na ako sa TV Network na minahal ko, tumanggap at tumulong magpalago sa akin. Pero hindi ‘yun nangyari, hindi idinulot ng Diyos sabi ng iba.
Masakit man sa loob kong mawala ang trabahong gusto ko, wala akong magawa. Nanlulumo ako. Balisa, nanghihina. Hindi ko sukat akalain na ang masasayang alaalang unti-unti pa lamang nabubuo, kakayahang unti-unting pinapanday ay bigla na lamang mawawala.
Marami akong kaibigang nagsasabi:
“Marami pang ibang puwedeng pagtrabahuhan diyan.”
“Hanap ka na lang ng iba. Makakalipat ka rin.”
“Baka kaya nangyari ‘yan sa’yo ay dahil ‘yan ang kalooban ng Diyos.”
Kalooban ng Diyos.
Sa lahat ng katagang paulit-ulit nilang sinasambit, natigilan ako noong sinabi nila na marahil ito’y “Kalooban ng Diyos.”
Napaisip ako. Kung tunay ngang ito’y kalooban ng Diyos, bakit niya hahayaang mawalan ng hanap-buhay ang marami sa atin? Lahat ng indibidwal na nawalan ng trabaho ay maaring anak, magulang, tiyo o tiya na tumutulong itaguyod ang kani-kanilang pamilya lalo pa’t may pandemya.
Kalooban ng Diyos. Ano ba talaga ang kalooban ng Diyos?
Aminado ako na minsan ay nasabi kong: “Diyos ko, bakit niyo kami pinabayaan?”
“Tapat naman kaming lingkod mo at ng sambayanang Pilipino. Bakit niyo hinayaang mangyari ito sa amin?”
Hinayaan, pinabayaan.
Sa paglipas ng araw doon ko mas naunawaan ang pagkakaiba ng dalawang salita. Hindi pala totoong pinabayaan kami ng Panginoon. Hindi pala totoong iniwan kami ng Panginoon sa gitna ng matinding dagok sa aming mga buhay. Bagkus ay naghihintay siya.
Hinihintay niya tayo na lumapit sa kanya at hilingin ang kanyang gabay at awa. Hinihintay niya tayong dumalangin para sa ikabubuti ng ating kapwa hindi lamang ng sarili. Hinihintay niya tayong tumalima at sundin ang kanyang kalooban.
Hinahayaan niya tayong mamili. Kung gagawin ba natin ang tama at nararapat o susumbatan natin siya dahil may bagay na hindi ipinagkaloob sa atin?
Mga kapatid, mga kaibigan. Ngayong panahon ng Kuwaresma, atin nawang hayaan na maging sentro ng ating buhay ang Panginoong Hesukristo. Kagaya Niya, hayaan nawa nating mangyari sa atin ang kalooban ng Diyos. Maging handa rin nawa tayong magpakasakit para sa ikauunlad ‘di lamang ng ating mga sarili, kundi maging ng iba.