Tuwing ika-8 ng Setyembre, inaalala natin ang kaarawan ng isang babaeng nagpamalas ng katapangan sa mga pagsubok na kanyang kinaharap. Siya ay nagmula sa isang simpleng pamilyang nakatira sa isang nayon. Inilalarawan siya bilang isang taong maka-Diyos. Itinalaga siya bilang ina ni Hesus. Ang ngalan niya’y Maria.
Una siyang nagpakita ng katapangan noong panahon ng pagkikita nila ng anghel Gabriel, na ipinadala ng Diyos, sa kaniya. Ipinabatid ng anghel sa kaniya na siya’y magdadalang-tao sa pamamagitan ng espiritu santo. Ito ay tatawaging “Anak ng Kataastaasan” at papangalanang Hesus. Noong panahong iyon, nakatakda pa lamang siyang ikasal kay Jose. Masyado mang nakabibigla ang kaniyang narinig mula sa anghel, tinanggap niya ito. Nagpamalas din siya ng katapangan noong ang mga tao ay lumayo na kay Hesus. Kahit na ang karamihan sa mga ito ay tumalikod na, hinarap niya nang buong-tapang ang posibleng kapalaran ng anak — ang kamatayan. Sa puntong iyon, hindi siya lumayo rito. Hindi niya rin itinakwil ito.
Ang takot ay normal. Ito ay ang tugon natin sa mga bagay-bagay na bago, walang kasiguraduhan o yung mga nakikita nating magbibigay ng panganib sa atin. Pero sa kabila nito, dapat hindi natin hayaan na lamunin tayo ng takot. Dapat matuto tayong tumanggap, sumubok at lumaban. At magagawa natin iyan kung tayo’y mananalig at magtiwala sa Diyos gaya ni Maria. Dahil ang katapangan ay lumalabas lamang kapag natututo kang magtiwala — pwedeng pagtitiwala sa posibleng paglago, sa sarili, at sa Diyos. Matutong magtiwala sa kapangyarihan Niya at maging matiyaga sa paghihintay ng himala. Pakatandaan na hindi nakalilimot ang Diyos sa Kaniyang mga pangako. Alam Niya ang bawat danas natin. Kaya kung mayroong isa na dapat nating pinagkakatiwalaan sa tuwing tayo’y nakararamdam ng takot, ito ang Diyos.
Sa araw ng kapanganakan ni Maria, nawa’y hindi lamang natin alalahanin ang mga magaganda niyang katangian. Isabuhay natin ang mga ito.