Fiesta 2022

Napupuno ng mga makukulay na palamuti ang simbahan maging ang plaza ng bayan. Ang bilang ng mga taong nagtitipon ay madaling lumaki ang bilang. Malamig ang umagang iyon pero nadarama ng bawat isa ang init dahil sa ipinamamalas nilang pagbibigayan ng kakanin na siyang pinaniniwalaan nilang patuloy na makakapagbuklod-buklod sa kanila. Maririnig din ang tumutugtog na banda. Patuloy na dumadaloy sa kahabaan ng kalye ang parada. Simula na ng selebrasyon sa bayan – ang kapistahan.

Ang Pilipinas, bilang isang itinuturing na relihiyosong bansa, dala ng impluwensya ng mga Kastila, ay mayroong iba’t ibang pista na patungkol sa isang patron. Sa bayan ng San Mateo, ipinagdiriwang ito tuwing ika-9 ng Setyembre para gunitain ang pista ng Mahal na Birhen ng Nuestra Señora De Aranzazu. Ang araw na ito ay kadalasang naaalala ng karamihan na panahon kung saan mayroong mga magagarbong palamuti sa paligid, malalaking pagsasalo-salo at buhay na buhay na mga programa. Ngunit higit pa rito ang kahulugan ng nasabing selebrasyon. Mahalagang pakatandaan na ang pista ay panahon din ng pagpapasalamat.

Mahalaga ang pagpapasalamat. Kapag ikaw ay nagpapasalamat, kinikilala mo ang mga bagay-bagay na iyong nakikita o nararamdaman. Binibigyan mo ng halaga ang mga nagawa ng Diyos para sa iyo. Maaaring ito ay ibinigay na mga biyaya, paggabay sa araw-araw, o kaya nama’y ipinagkaloob na hiling. Ang pagpapasalamat ay maaaring ipadaan sa pamamagitan ng mga salitang sinasabi sa panalangin. Ngunit ang maikokonsiderang pinakaepektibong paraan para ito’y maipahayag ay magagawa sa pamamagitan ng pagkilos.

Kapag ikaw ay nagpapasalamat sa mga biyayang iyong natanggap, matuto kang mamahagi. Kapag ikaw ay nagpapasalamat sa karunungan at kakayahang iyong taglay, gumawa ka ng mga kapaki-pakinabang na mga bagay. Ang pagpapasalamat ay pagkilala hindi lamang sa ipinagkaloob ng Diyos para sa iyo, kung hindi pagkilala rin sa mga taong nangangailangan ng tulong mo.

Sa panahon ng kapistahan, nawa’y hindi lamang basta mapako ang ating atensyon sa mga iba’t ibang palamuti’t programa. Matuto tayong kumilala, magpasalamat at higit sa lahat — kumilos.

Social Media Comments