Matapos ang dalawang taong pagkakapahinga bunsod ng pandemya, muling inilunsad ng Confradia de la Inmaculada Concepcion at ng Intramuros Administration ang Intramuros Grand Marian Procession noong ika-4 ng Disyembre 2022.
Espesyal ang pagtitipon na ito ng mga imahen ng Mahal na Birheng Maria sa buong Pilipinas dahil humugit kumulang na 40 na Koronadang Birhen na ginawaran ng Koronasyong Kanonikal ng Roma ang lumahok kung saan kabilang ang ating Patrona, Mahal na Birheng Aranzazu.
Bukod sa mga koronadang Imahen ng Mahal na Birhen, ito rin ay pagpapakita ng iba’t ibang kultura na may kaugnayan sa debosyon at mga kapistahan ng Mahal na Birhen, tulad ng Kakanin Festival na isang alay pasasalamat sa Patrona ng Bayang San Mateo.
Ang nasabing pagtitipon ay sinimulan ng banal na Misa sa ganap na ika-2 ng hapon sa Manila Cathedral sa pangunguna ni Most Rev. Dennis Villarojo, Obispo ng Malolos. At sa ganap na ika-4 ng hapon nagsimula ang prusisyon.
Simula sa Colegio de San Juan de Letran, ang tahanan ng Birhen ng Aranzazu sa Intramuros, at institusyon na kung saan naitatag ang Archconfraternity of Our Lady of Aranzazu mula sa Bula ni Papa Benedicto XIV, nagkaroon ng maikling prusisyon ng dapit patungo sa Magallanes Drive kasama ng mga deboto mula sa ating parokya at sa iba’t ibang karatig probinsya at bayan.
Kasama sa mga delegasyon nito ang Scouts, Ministry of Altar Servers, Youth Ministry, Ministry of Ushers at ang mga Zumba Dancers ng Guitnang Bayan II na syang nagwagi sa Zumba Dancing Conest noong nakaraanf fiesta, bilang mga mananayaw ng Kakanin.
Nandoon din ang presensya ng ating mga Hermana Mayor, Mrs. Arthleen Fetalvero at Hermana Menor, Anna Cristi-Santos, Shrine Council, sa pangunguna ni Bro. Christian Robles, Cofradia de Nuestra Señora de Aranzazu, at Knights of Our Lady of Aranzazu.
Ang mga banda ng musiko na Cattleya and Blessend Unity bands mula sa bayan ng Binangonan, Rizal na tumugtog sa nasabing prusisyon, maging ang ating Kura Paroko Fr. Ric Eguia at pari na mula sa ating bayan na si Rev. Fr. Marc Anthony Ramos. Naroon din ang mga church organizations at workers, mga deboto na nagmula sa ating parokya at sa iba’t ibang karatig bayan at probinsya.
Muling pinagsigla ng ating delegasyon ang mga makasaysayang kalsada ng Intramuros sa pagwagayway ng panyo sa saliw ng awitin ng Pamimintuho at pagsigaw ng “Ave, Ave, Viva La Virgen!”
Bago makabalik ang Birhen sa loob ng Colegio de San Juan de Letran, umawit muna ng Salve Regina ang mga deboto at nagkaroon ng pagbabasbas sa harap ng Colegio sa pangunguna ni Rev. Fr. Marc Anthony Ramos.
Sa pamamagitan nito ay patuloy na dumarami ang mga deboto ng ating Patrona at lumalawak pa ang pagdedebosyon sa kanya at isa ang Intramuros Grand Marian Procession sa magpapatunay sa mga pangyayaring ito.
VIVA LA VIRGEN!
VIVA PATRONA LABAN SA KALAMIDAD!
VIVA PINTAKASI NG MGA GURO AT MAG-AARAL!